Kamara, binabaha ng milyones, alak at gadgets?!
- BULGAR

- Jun 19, 2019
- 2 min read
MAAGA pa lang nakatanggap ng ‘pamaskong regalo’ ang ilang kongresista noong Mayo.
Namigay daw ng kahun-kahong alak si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco!
◘◘◘
HINDI gaanong kilala si Rep. Velasco at matapos daw mamigay ng alak na may marka ng no.1 brewery sa bansa, naging bukambibig na ang kanyang pangalan.
Ang problema, nadikit bigla sa kanyang pangalan ang CEO ng SMC at lumalabas na ito ang kanyang padrino!
◘◘◘
HINDI natin alam kung makatutulong ang beer maker sa pagtatangka ni Rep. Velasco na maging Speaker o makasira ito sa kanyang tsansa.
Kahit ang political analyst na si Ranjit Rye ay nagdududa sa kanyang kuwalipikasyon!
◘◘◘
TWO-TERMER lang si Rep. Velasco at ang kanyang unang pag-upo ay bunga lang ng teknikalidad matapos madiskuwalipika ang nakakuha ng higit na malaking boto.
May ilang pagtatangka si Rep. Velasco na makasikwat ng posisyon sa Kamara noong nagdaang Kongreso, pero nabigo siya!
◘◘◘
MAUGONG ang kanyang pangalan na siyang ipapalit ni Mayor Sara kay dating Speaker Pantaleon Alvarez, pero nasingitan siya ng mas beteranong si Ate Glo.
Kahit ang majority leader na si Rep. Rudy Fariñas ay tinangka niyang palitan, pero nasulot siya ni Rep. Rolando Andaya, Jr. na nang lumaon ay nakorner ni Fredenil Castro!
◘◘◘
SINASABING namigay din daw ng high-end cellphone si Rep. Velasco sa mga kapwa kongresista, pero hindi pa rin siya makakopo ng malaking suporta.
Kahit sa loob ng kanyang partido na PDP-Laban ay may karibal pa rin siya.
Aspirante rin sa pagka-Speaker sina Alvarez at Rep. Dong Gonzales ng Pampanga!
◘◘◘
NAGTATAKA ang mga political analyst kung paano mahahawakan ng baguhan si Rep. Velasco ang Kamara ng mga representante gayung kapos siya sa karanasan.
Sa totoo lang, sa itinagal-tagal ng Kamara, ngayon lamang nagkaroon ng ulat na suhulan sa pagka-Speaker!
◘◘◘
ISIPIN ninyong naglalaro ang “bentahan” ng boto sa P1 milyon hanggang P7 milyon.
At itinuturong financier ay ang dambuhalang korporasyon na may kaliwa’t kanang transaksiyon sa pamahalaan!
◘◘◘
HANGGANG ngayon, hinihintay ng mga kongresista ang kumpas ni P-Digong.
Bagaman, sinasabing hindi manghihimasok si P-Duterte sa Kamara, pero dahil sa kanyang estilo, maaaring bigla itong kumambiyo at sermunan ang mga bumababoy sa kagalang-galang na institusyon!





Comments