EDU AT SOTTO, ABANGAN SA FIBA U-19 WORLD CUP

ISA sa mga aabangan na manlalaro ng Batang Gilas sa darating na 2019 FIBA Under-19 World Cup sa Greece sa Hunyo 29 ay si Ariel John “AJ” Litang Edu, ang 6’10" na galing Inglatera at kasalukuyang mag-aaral sa University of Toledo sa U.S.
Malaki ang inangat ng laro ni Edu matapos ang isang taon sa Rockets sa NCAA Division 1 at tiyak na malaki ang matutulong nito sa kampanya ng Pilipinas.
“It’s a big difference coming from high school to college but I learned a lot,” wika ni Edu sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila.
“The game in the States is much faster and I am getting used to the physicality.”
Makakasama ni Edu ang kapwa niyang mga higante na sina Kai Sotto (7’1"), Geo Chiu (6’7"), Carl Tamayo (6’7") at Bismarck Lina (6’5") sa sinasabing pinakamatangkad na pambansang koponan sa kasaysayan.
Hindi nagkakalayo ang tangkad ng mga guwardiya at forward na sina Dave Ildefonso, Rhayyan Amsali, James Spencer, Terrence Fortea, Gerry Abadiano, Xyrus Torres, Joshua Ramirez, Miguel Oczon at Dalph Panopio.
Makalalaro ng Batang Gilas ang Greece, Argentina at Russia.
Ayon kay team manager Andrew Teh, hindi sapat ang tangkad ng mga Pinoy at mahalaga na pagbutihin nila ang teamwork upang makapasok sa quarterfinals.
Nasasanay na rin si Edu at ang kanyang mga kakampi sa sistema ng bagong talagang coach na si Sandy Arespacochaga.
Handa na rin siyang maglaro sa Gilas pagdating ng tamang panahon lalo na sa 2023 World Cup na gaganapin sa Pilipinas.
Si Edu ay anak ni Josie Litang at ang kanyang asawang Nigerian na si Ayotunde Edu na ipinanganak sa Cyprus noong Enero 1, 2000.
Masaya rin siya at mainit siyang tinanggap ng mga Pinoy na naninirahan malapit sa kanyang paaralan kung saan papasok na siya sa pangalawang taon siya kursong Accounting.





Comments