Batas laban sa hazing, paigtingin!

NAHATULANG may sala ang miyembro ng Aegis Juris Fraternity sa krimeng “obstruction of justice” sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III noong sumailalim sa hazing ng nasabing fraternity. Sinentensiyahan ng apat na taong pagkakakulong si John Paul Solano, ang nagpanggap na diumano’y ‘good samaritan’ nang dalhin sa Chinese General Hospital si Castillo, pero matapos ang dalawang magkaibang affidavit na isinalaysay ni Solano, nalamang may tangka raw na pagtakpan ang krimen. Mahigpit na ipinagbabawal sa ating batas ang hazing ng anumang fraternity kaya naman isang tagumpay ito para sa Pamilya Castillo.
Samantala, ang kailangang bantayan ay ang kaso laban sa mga nagsagawa ng hazing na sanhi ng pagkamatay ni Castillo. Sana, hindi ito makalusot sa hustisya tulad ng ibang kaso ng hazing kung saan tila pitik lang sa mga kamay ang parusa ng mga salarin. Kailangan ng malakas na mensahe laban sa hazing at peligrong dulot nito sa sinumang makararanas at para naman sa mga suspek na nagnanais maging abogado, ito ang pagkakataon ninyo para makita ang proseso ng batas.
◘◘◘
Kung batas ang pag-uusapan, walang iba kundi ang dating commissioner ng Commission on Elections na nagsalita hinggil sa pagpalit ni Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth Group. Sinita ni ex-Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. na hindi dapat tinanggap ang pagpalit kay Cardema dahil sa simpleng pagbilang ng edad, si Cardema ay edad 34.
Ayon sa batas, ang sinumang kinatawan ng kabataan ay hindi dapat lumampas sa edad 30, malinaw ito. Ang nakapagtataka, hindi ba ito nakita ng mga kasalukuyang commissioner ng Comelec na bumoto para aprubahan ang ‘pagpapalitan’ ng representante?
Kaugnay nito, pipirmahan na ni Brillantes ang petisyon na tutulan ang nominasyon ni Cardema, handa pa raw ang grupo na dalhin sa Korte Suprema ang petisyon kung kinakailangan.
Ano kaya ang dahilan bakit ito inaprubahan? Sana ay magbigay sila ng dahilan batay sa batas para maipaliwanag ang kanilang nakapagtatakang desisyon.





Comments