Angat Dam malapit na sa kritikal na antas | TUBIG SA METRO MANILA, DELIKADO
- V. Reyes
- Jun 19, 2019
- 1 min read

MALAKI umano ang posibilidad na mabawasan ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila kapag bumaba pa sa kritikal na antas ang tubig sa Angat Dam.
Sa huling monitoring ng Hydrometeorology Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes ng alas-6:00 ng umaga, nasa 161.78 meters na lang ang level ng tubig.
Malayo na ang nasabing sukat sa 180-meter minimum level para sa normal na operasyon ng Angat Dam at dalawang metro na lang na pagbaba ay papalo na sa 160 meters critical level.
Ayon kay National Water Resources Board Executive Director Sevillo David, maaaring ngayong linggo ay bumagsak na sa kritikal na antas ang tubig sa Angat Dam.
Noong nakaraang buwan ay binawasan na ng NWRB ang alokasyon ng tubig para sa agrikultura at hindi naman umano makaaapekto sa pagtatanim dahil natapos na ang anihan.
Ang patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam ay sanhi na rin ng epekto ng El Niño na posibleng tumagal ng hanggang Agosto at ang mataas na demand o pangangailangan ng mga residente sa Metro Manila.
Bagama’t, idineklara na ng PAGASA ang tag-ulan, hindi pa rin ito nakasasapat upang umangat nang malaki ang tubig sa Angat Dam.





Comments