Abot-kayang presyo ng bigas sa resettlement sites, handog ng PCUP!


PATULOY na gumagawa ng hakbang ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) upang makapagbigay-tulong sa mga maralitang Pilipino sa bansa.
Para sa inyong kaalaman, marami pang programa ang PCUP para sa mahihirap bukod sa ating priority programs na Caravan, Adopt-a-Community at Urban Poor Privilege Card.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Nais kong itanong at malaman kung anu-ano pa ang mga maitutulong ng PCUP bukod sa caravan? Salamat at mabuhay kayo! — Victoria
Sagot
Magandang araw, Victoria! Salamat sa pagsubaybay sa ating kolum. Sa mga nakalipas na buwan ay marami na tayong naikutang urban poor community sa bansa upang magsagawa ng caravan. Hatid nito ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno kasama ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Public Attorneys Office (PAO), PhilHealth at marami pang iba.
Bukod sa caravan, hatid din ng National Food Authority (NFA) at PCUP ang abot-kayang bigas sa mga resettlement site upang makinabang ang mga kababayan natin sa mababang presyo ng bigas. Handog ng nasabing proyekto ang P27 hanggang P32 kada kilo ng bigas kumpara sa P38 hanggang P42 sa lokal na pamilihan.
Ginagawa ito ng ating tanggapan para ilapit din sa mga lugar ang murang bigas ng NFA. Hindi na nila kailangan pang dumayo upang bumili ng murang bigas.
Nagbibigay din tayo ng mga training na makatutulong sa komunidad tulad ng kahandaan sa sakuna o disaster preparedness, pangkabuhayan, organizational management, leadership training at orientation sa batas pangmaralita.
Kung gusto natin ng basic services sa ating lugar tulad ng tubig at kuryente, tutulungan din tayo ng PCUP na maka-access nito sa ating partner agency.
Ang importante sa ating tanggapan ay ang pang-unawa, pasensiya at pakikipagtulungan dahil gusto natin na maging bahagi ang bawat isa sa pag-unlad ng ating komunidad.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments