Sa pagkamatay ng Law student na si ‘Atio’ | ISA SA AEGIS JURIS FRATERNITY, GUILTY

HINATULAN ng guilty sa kasong obstruction of justice ang Aegis Juris fratman na si John Paul Solano kaugnay sa hazing na ikinamatay ng University of Santo Tomas (UST) freshman Law student na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Batay sa 27 pahinang desisyon ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14, ipinag-utos ni Judge Carolina Esguerra na makulong si Solano ng minimum na dalawang taon at apat na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan.
Naabsuwelto naman sa kasong perjury si Solano matapos kakitaan ng "inconsistencies" ang mga pahayag ng police officers na lumagda sa kanyang judicial affidavit.
Si Solano umano ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17, 2017.
Nabatid sa mga naunang pahayag sa pulisya na sinabi nito na hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong nakahandusay sa Tondo, Manila, kaya dinala niya ito sa naturang ospital.
Kalaunan, nadiskubreng nagsisinungaling si Solano nang matuklasan ng mga pulis na magkasama sila sa frat group ng biktima at matapos pabulaanan ng mga lokal na opisyal na hindi sa kanilang lugar nadiskubre ang katawan ng hazing victim.
Inamin din ni Solano, kalaunan na wala siya sa frat library nang isagawa ang hazing kay Castillo pero, tinawagan siya ng kanyang mga kasamahan para dalhin sa pagamutan ang biktima.
Si Solano ang kauna-unahang Aegis Juris na napan ng korte kaugnay sa kaso ni Castillo habang dinidinig pa ang kasong homicide at paglabag sa Hazing Law na isinampa laban sa 10 pang miyembro ng fraternity.
Ayon naman kay Carmina, ina ni Castillo pinagaaralan pa nila ang pagsasampa ng iba pang mga kaso laban sa iba pang frat member kabilang na iyong miyembro na nasa group chat kung saan pinag-uusapan nila kung paano ikukubli ang krimen.





Comments