Natutunan sa kolehiyo ng kabataan, dapat mapakinabangan!
- Win Gatchalian
- Jun 18, 2019
- 2 min read

SA pagdating ng maraming taon, nakita natin ang mga pagsubok sa pagtaas at tagumpay sa pagbaba ng bilang ng job mismatch sa mga graduate at kumpanya.
Ang job mismatch ay ang sitwasyon kung saan kulang o hindi tugma ang kakayahan, karunungan o kaalaman ng empleyado sa pangangailangan ng iba’t ibang industriya depende sa ibinebenta nitong produkto o serbisyo.
Ayon sa Associated Labor Unions-TradeUnion Congress of the Philippines (ALUTUCP),1.2 milyong estudyante ang nagtapos sa kolehiyo noong 2017 ang nahirapang makahanap ng hanapbuhay dahil sa suliraning ito.
Ayon sa Peabody Journal of Education(55, 2, 119-26, Enero 1978) na isinulat ng dating pangulo ng Suffolk University na si Daniel Perman na pinamagatang “Higher Education in the Philippines: An Overview and Current Problems,”
isa sa walong suliranin ng higher education sa Pilipinas ay ang mismatch sa pagitan ng mga graduate at required skill na gagamitin sa trabaho.
Ito ang tinatawag na skills mismatch tulad ng Business Management degree graduate na nagtatrabaho sa paaralan upang magturo.
Ang isa naman ay ang spatial mismatch o ang layo ng potensiyal na trabaho sa lugar na tinitirhan ng aplikante.
Isang kongkretong halimbawa nito ay ang umaapaw na bilang ng mga nursing graduate sa bansa ngunit, mababa lamang ang demand nito rito kaya nangingibang-bansa na lamang sila upang magamit ang kursong kanilang pinag-aralan.
Iba-iba ang dulot ng job mismatch ngunit, maraming posibleng gawin upang maputol na ang ganitong siklo basta maiging nababantayan nang tuluy-tuloy.
Mainam na patuloy lamang na magbibigay-impormasyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kabataan tungkol sa mga in-demand job na tumutugma sa kakayahan ng mga graduate.
Sa pamamagitan ng ganitong oportunidad, maiibsan ang unemployment at underemploymentat sa halip ay magagamit agad ng kabataan ang kanilang mga natutunan sa kolehiyo sa praktikal na pamamaraan.
Ang pakikipag-ugnayan, koordinasyon at pakikiisa sa mga negosyo at industriya ay mabisa ring paraan upang maibigay ng pamahalaan ang kasanayan na kakailanganin ng mga mag-aaral na magsisipagtapos.
Makabuluhang aksiyon din ang pakikipag tulungan ng mga industriya sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matulungan ang mga estudyante ng magagaling na trainers at assessors upang magsilbing magandang ehemplo at gabay sa mga pasikut-sikot at teknikalidad ng kanilang magiging trabaho.
Isang halimbawa nito ang pakikipag-ugnayan ng Aboitiz Construction, Inc. sa TESDA upang masuportahan ang kanilangpangangailangan na 200,000 manggagawa para sa mga construction-related higher skill level tulad ng welding, masonry, scaffolding at heavy equipment operation.
Naniniwala tayong dapat lamang na naaayon sa interes, kakayahan, karunungan, determinasyon at kursong pinag-aralan ng mga mag-aaral ang kanilang makukuhang trabaho.
Para saan ang kanilang mga pinaghirap ang aralin ng maraming taon kung hindi nila ito mapakikinabangan?
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments