Pag-‘hit-and-run’ ng Chinese vessel sa bangka ng Pinoy ang agenda | SPECIAL MEETING, KANSELADO — DIG

KINANSELA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dapat sanang espesyal na pagpupulong ng mga miyembro ng gabinete ngayong araw, Lunes.
Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na napagdesisyunan ito isang oras bago nagsabi ang mga kalihim kaugnay sa pagpupulong.
Nauna nang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pag-uusapan ng Punong Ehekutibo at gabinete nito ang nangyaring pagbangga ng barko ng Tsina sa fishing vessel ng Pilipinas noong June 9 kung saan iniwan na lamang ang 22 Pilipinong mangingisda na palutang-lutang sa karagatan at isinalba ng Vietnamese fishing vessel.
Matatandaang, nagsampa na ng diplomatic protest ang Pilipinas tungkol sa insidente.
Samantala, hindi umano nakatanggap ng distress call ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa insidente.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Armand Balilo, wala silang natanggap na distress call mula sa nasabing insidente, nalaman na lamang ito sa ginawa nilang koordinasyon sa Task Force West on the West Philippine Sea at sa report mula sa mga kaanak ng mga mangingisda.
Binigyang-diin ni Balilo na kapag nakatanggap sila ng distress call ay agad naman silang rumeresponde.
Nasa 22 mangingisda ang iniwang palutang lutang sa laot matapos banggain ang kanilang sinasakyang F/B Gem-Ver 1.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamahalaan sa ginawang pag-rescue ng Vietnamese vessel sa mga Pilipinong mangingisda.
Nagsampa na rin ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China.
Aminado si Balilo na dahil sa napakalaki ng coastline, napakahirap bantayan ito.
Gayunman, tiniyak nito na nagagampanan ng PCG ang kanilang mandato na i-secure ang karagatan na bahagi ng teritoryo ng bansa.
Sa ngayon, nasa 10 ang barko ng coast guard kung saan ilan dito ay mula pa sa Japan at France na siyang ginagamit sa pagpapatrulya sa karagatan.





Comments