Kaalaman tungkol sa meningococcemia

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng meningococcemia ang pamangkin kong edad 3 na sa amin nakatira dahil single-mom ang kanyang nanay na kapatid ko. Noong una, akala ng kapatid ko ay measles lamang ito, pero nang dalhin niya sa doktor ay ganu’n ang sinabi sa kanya. Gusto kong malaman kung nakahahawa ba ito? Maliliit pa ang aking mga anak at nababahala akong mahawahan sila nito. — Cynthia
Sagot Ang meningococcemia ay malalang sakit na sanhi ng gram negative bakteryang kung tawagin ay neisseria meningitidis o meningococcus. Ang sakit na ito ay maaaring walang sintomas sa umpisa. Kung minsan, ang may sakit ay nakararamdam lamang ng sintomas ng upper respiratory tract infection tulad ng ubo o sipon.
Bukod sa meningococcemia ang impeksiyon nito ay kumakalat sa buong katawan sa pamamagitan ng dugo, ang meningococcus ay maaaring maging sanhi ng pneumonia o kaya ay meningitis.
Kadalasan, ang may sakit ng meningococcemia ay nakararanas ng biglaan at walang tigil na mataas na lagnat, kasabay nito ang paglabas ng petechial rashes na nagdudulot ng pagdurugo sa ilalim ng balat. Magkakaroon din ng sintomas ng meningeal irritation tulad ng sakit ng ulo, pagsusuka, stiff neck, seizure o convulsion at deliryo.
Nakukumpirma ang sakit na ito sa pamamagitan ng pag-eeksamin ng cerebro spinal fluid para sa bakteryang meningococcus.
Ang sakit na ito ay nakahahawa, lalo na kung siksikan ang mga nakatira sa isang lugar. Naililipat sa iba ang mikrobyo mula sa sipon o laway ng mga may impeksiyon.
Marami ang naililigtas kung nabibigyan agad ng antibiotics tulad ng penicillin, chloramphenicol o rifampicin.
Mataas ang fatality rate ng meningococcemia kaya kailangang ma-diagnose ito nang maaga at malapatan ng kaukulang gamot.





Comments