HOTSHOTS, ‘DI PINAPORMA ANG COLUMBIAN DYIP


KINAHIG ng Magnolia Hotshots ang dalawang sunod na panalo matapos nilang pupugin ang Columbian Dyip, 110-103 kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Nagtala si import James Farr ng 22 points at 11 rebounds upang tulungan ang Hotshots na ilista ang 2-2 record.
Ayaw mag-iwanan ng Hotshots at Dyip sa unang dalawang quarters, tabla ang iskor sa 52-all sa halftime.
Subalit biglang uminit ang opensa ng Pambansang Manok Magnolia sa third canto, kapit nila ang 85-73 abante papasok ng fourth quarter.
Inalagaan ng Hotshots ang kanilang lamang sa fourth kaya naman nakuha nila ang matamis na panalo.
Samantala, target ng NorthPort Batang Pier na kumapit muli sa top spot ng team standings pagharap nila sa Rain or Shine Elasto Painters sa mall of Asia Arena, Pasay City, Miyerkules ng alas-4:30 ng hapon.
Tangan ang 5-1 karta, sasandalan ng Batang Pier ang kanilang two-game winning streak upang makuha ang inaasam na panalo at saluhan sa tuktok ang TNT KaTropa na may 6-1 record.
Huling tinalo ng NorthPort ang Magnolia, 102-99 noong June 12 sa Araneta Coliseum.
Subalit inaasahang mapapalaban ng todo ang Batang Pier dahil galing din sa dalawang sunod na panalo ang Elasto Painters.
Magkakaldagan naman sa ala-7 ng gabi ang Meralco Bolts at NLEX Road Warriors. (ATD)





Comments