HALLASGO AT KEMBOL, CHAMP SA 32K TRILOGY RUN
- A. Servinio
- Jun 17, 2019
- 1 min read

KINORONAHAN bilang kampeon ng pangalawang yugto ng Runrio Trilogy 2019 si Christine Hallasgo ng Bukidnon nang tapusin niya ang 32 km Afroman Race noong Linggo ng umaga sa SM Mall of Asia.
Tuluyang iniwan ni Hallasgo ang mga humahabol sa kanya para sa oras na 2:22:03 upang maiuwi ang tropeo at P50,000.
Pumangalawa si Maricar Camacho (2:24:54) habang pumangatlo si Christabel Martes (2:27:21). Maliban sa trophy at regalo ng sponsor, may P30,000 para kay Camacho at P20,000 para kay Martes.
Sa panig ng kalalakihan, naghari muli ang Team Kenya sa pangunguna ni Leonardo Kembol na lumipad sa oras na 1:54:53. Muntik na siyang mahabol ni Jeson Agravante ng Pilipinas pero kinapos at umoras siya ng 1:55:58, malayo sa pumangatlong si Jackson Chirchir ng Kenya (2:00:09).
Isa pang Kenyan, si Redgers Timotea na nagwagi sa 21-km ng kalalakihan sa oras na 1:13:23.
Sumunod sa kanya ang mga Pinoy na sina James Kevin Cruz at Jomar Angus. Naggawad din ng mga tropeo para sa mga nagwagi sa lima at 10 kilometro pero ito ay para sa mga pares o mga barkada, koponan o pamilya na may apat na kasapi.
Ito ay sinimulan noong nakaraang taon para mas marami ang maakit tumakbo at maging malakas at malusog ang katawan.
Samantala, ang ikatlo at huling yugto ng serye – ang Philippine Marathon – ay nakatakdang ganapin sa Setyembre 22, 2019. Bukas na ang pagpapalista sa 42.195 kilometrong karera sa www.runrio.com.





Comments