Panawagan sa publiko, maging alerto laban sa lumalaganap na African Swine Flu

DAHIL sa pagkakasamsam ng mga de-lata at produktong baboy sa Clark International Airport kung saan 37 sa mga ito ay nagpositibo sa African Swine Flu (ASF), nakiusap ang Bureau of Animal Industry (BAI) sa publiko na ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad kapag may nakitang produkto na ibinebenta sa merkado na galing sa mga bansang apektado ng nasabing virus.
Gayunman, ngayon ay wala pang naitalang kaso ng ASF sa bansa, ngunit, maganda pa rin kung magiging handa tayo sa lahat ng oras, lalo na ngayong napakadaling makalusot ng mga ito.
Bagama’t, walang epekto ang nasabing sakit sa mga tao at ibang hayop, delikado naman ito para sa mga baboy na madalas nating ginagawang ulam o sangkap sa ating mga kinakain.
Dagdag pa rito, kung sakaling magkaroon ng kaso ng virus sa bansa, mahihirapan ang hog industry.
Matatandaang, ipinagbawal ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga produkto at karneng baboy sa mga bansang apektado nito kabilang ang China, Belgium at South Africa.
Kaya para sa kapakanan ng ating ekonomiya, makipagtulungan tayo sa pamahalaan nang sa gayun ay walang sinuman ang mapahamak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments