top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Karapatan ng mga pre-need plan holder

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 16, 2019
3 min read

SA hirap ng buhay ngayon na nararanasan ng mamamayang Pilipino ay natututo ang bawat isa upang paghandaan ang kinabukasan ng kanilang mga minamahal sa buhay at kapamilya. Prayoridad ng mga magulang ang paghandaan ang mga pangangailangan ng kanilang mga supling para pagdating ng araw na mangailangan ang mga ito subalit, wala na sila para ibigay ang nararapat para sa kanilang anak. Malimit na ang pagkuha ng mga pre-need plan ang inuuna para mapaghandaan ang anumang panganib na parating sa kanilang mga pamilya.

Ang pre-need plans ay tumutukoy sa mga kontrata, kasunduan o instrumento para sa kabutihan ng mga planholder na magbibigay ng serbisyo, pagbabayad ng napagkasunduang kabayaran o pagbibigay ng iba pang benepisyo sa araw nang aktuwal na pangangailangan o sa napagkasunduang araw (maturity date), kapalit ang pagbayad ng buo (cash) o paghuhulug-hulog (installment) ng katumbas na halaga ng nasabing plan. Kasama rin dito ang mga insurance coverage tulad ng life, pension, education at interment.

Ang planholder ay isang tao (natural/juridical) na bumili ng pre-need plan mula sa pre-need company at itinalagang benepisaryo (beneficiaries) ng kaukulang benepisyo.

Upang maprotektahan ang mga pre-need planholder at siguraduhing hindi sila malinlang, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act (R.A.) No. 9829 o mas kilala sa titulong “Pre-Need Code of the Philippines”. Ayon sa batas na ito, ang pre-need company sa loob ng 45 araw pagkatapos mabigyan ng lisensiya para makapagnegosyo at para sa bawat pre-need plan na ibebenta sa publiko ng nasabing pre-need company ay kinakailangang mag-file sa Insurance Commission ng “Registration Statement for Sale of Pre-Need Plans”. Ito ay aaprubahan ng Insurance Commission kung nasunod lahat ang registration requirements na itinalaga ng komisyon. Maging ang mga sales counselor ay kinakailangang makakuha ng lisensiya mula sa Insurance Commission bago sila makapagbenta ng anumang uri ng pre-need plans sa publiko.

Ang mga pre-need plan ay kinakailangang mabuksan at maibenta sa publiko nang walang halong panlilinlang. Nararapat lamang na sabihin lahat sa mamimili ang sakop ng benepisyong matatanggap mula sa nasabing plan. Mayroong kaparusahan ang paglabag sa mga alituntunin na ito at maaaring maging dahilan ng paghahabla ng planholder para mabawi ang perang ibinayad na may kasamang interest at maaari pa itong makasuhan ng komisyon ng kasong kriminal o administratibo.

Kung ang panlilinlang ay isinagawa ng pre-need company, ito ay magbabayad ng multa sa halagang P100, 000. Kapag ang paglabag ay naulit, ang nasabing paglabag ay magiging dahilan upang kanselahin ang lisensiya ng nasabing kumpanya.

Sakaling ang planholder ay hindi makabayad, siya ay may 60 araw para bayaran ang mga hindi nito nabayaran (Section 23, RA 9829). Ang hindi pagbayad nito ay nangangahulugang paso na ang kanyang pre-need plan subalit, bibigyan pa rin ang planholder ng palugit na dalawang taon para buhaying muli ang kanyang plan. Sa loob ng dalawang taon, ito ay hindi maaaring kanselahin ng insurance company ang policy. Ang notice of cancellation ay ipadadala sa planholder sa loob ng 30 araw matapos ang palugit na araw para ma-reinstate ang plan.

Karapatan ng bawat planholder na hilingin pagkatapos mag-mature ang policy ng kabayarang katumbas ng benepisyong nakapaloob sa pre-need plan maliban kung ito ay babayaran ng installment. Ang pre-need company ay kinakailangang magbayad sa beneficiary sa loob ng 15 araw. Kapag hindi ito nakapagbayad, ang planholder ay maaaring maningil ng interest na katumbas ng dalawang beses sa legal rate ng interest, maliban na lamang kung ang hindi nito pagbabayad ay dahil sa ang claim ay panlilinlang.

Karapatan ng planholder na maghain ng legal na aksiyon upang mabawi niya ang kanyang pera sa sandaling malugi ang pre-need company. Kapag ang pagsasabing pagkalugi ng kumpanya ay isa lamang panloloko, ang planholder ay maaaring maghain ng reklamo laban sa mga opisyal o controlling owner ng kumpanya.

Ang Insurance Commission ang may solong hurisdiksiyon at kapangyarihan para dinggin at desisyunan ang lahat ng claims na may kinalaman sa pre-need plans. Kapag ang halaga ng benepisyo ay hindi hihigit sa P100,000, ang desisyon ng komisyon ay magiging pinal at maaari nang ipatupad agad.

Ang desisyon ng Insurance Commission na may kaugnayan sa pag-aayos ng mga claim maging nang paggamit nito sa kanyang mandato bilang regulatory agency ay maaaring iapela sa Court of Appeals ng sinumang naapektuhan ng nasabing desisyon (Sec. 56, R.A. No. 9829).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page