KA TROPA, SOLO LIDER NA
- BULGAR

- Jun 16, 2019
- 1 min read

INARARO ng TNT KaTropa ang Meralco Bolts, 104-91 upang itarak ang five-game winning streak kagabi sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum. Kumana si import Terrence Jones ng 49 points at 17 rebounds upang ilista ang 6-1 karta ng TNT at masolo ang liderato. Dikitan ang naging bakbakan ng KaTropa at Bolts sa unang dalawang periods kung saan tatlong puntos lang ang abante ng TNT, 52-49 sa halftime.
Ginanahan maglaro ang KaTropa sa third period, pinindot nila ang 29-19 bentahe para hawakan ang 13 puntos na kalamangan, 81-68 papasok ng fourth. Samantala, target ng Magnolia Hotshots na kahigin ang pangalawang sunod na panalo pagharap nila sa Columbian Dyip ngayong alas-4:30 ng hapon sa parehong lugar.
Nadapa muna ng dalawang beses ang Hotshots bago pumalo ng panalo laban sa NLEX Road Warriors, 98-88 noong Biyernes. Ganadong maglaro ang Pambansang Manok Magnolia kontra Road Warriors, kaya naman nakaiwas sila sa 0-3 pagkakalubog.
“I challenged the players to have that sense of urgency and the proper mindset as we tried to avoid a 0-3 start like we had last conference, and to bring back Magnolia basketball, which is defense-oriented. And they responded,” saad ni Magnolia coach Chito Victolero. Muling kakapitan ng Hotshots si import James Farr upang makuha ang inaasam na panalo. Nakapagtala si Farr ng 24 points at 21 rebounds sa kanilang nakaraang panalo. (ATD)
Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum) 4:30 p.m. - Columbian vs Magnolia 6:45 p.m. - Bgy. Ginebra vs San Miguel Beer.




Comments