Plunder vs. Jinggoy at Napoles, tuloy
- V. Reyes
- Jun 15, 2019
- 1 min read

MAY natukoy nang matibay na batayan ang Sandiganbayan upang ipagpatuloy ang paglilitis sa kaso laban kay dating Senador Jinggoy Estrada at sa convicted plunderer na si Janet Lim Napoles kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng P183 milyong halaga ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) o pork barrel.
Ito ay kasunod ng pagbasura ng 5th Division ng Sandiganbayan sa inihaing demurrer sa mga ebidensiya laban kina Estrada at Napoles. Ang demurrer ay isang mosyon na layong agad na ibasura ang kaso dahil sa mahinang ebidensiya. Binigyang-diin ng Anti-Graft Court na sapat ang mga inilatag ng prosekusyon na mga katibayan para matukoy na guilty sa kaso sina Estrada at Napoles.
“This court is convinced that the prosecution presented sufficient evidence, both testimonial and documentary, which established each element of the crime of plunder against the accused,” ayon sa Sandiganbayan.
“This, if unrebutted by contrary evidence, is sufficient to support a conviction,” dagdag pa nito.
Kasalukuyang nakalalaya pansamantala si Estrada matapos mapayagan na makapagpiyansa.
Partikular na tinukoy sa resolusyon ang kasunduan nina Napoles at Estrada na idaan ang PDAF allocation nito sa mga non-government organization (NGO) at Social Development Program for Farmers Foundations, Inc. (SDPFFI) na may komisyong aabot sa 40 hanggang 60 porsiyento kapalit ng kickback at komisyong paghahatian umano nila.
Sa kabila ng depensa ng kampo nina Estrada at Napoles, sinabi ng Sandiganbayan na nakapagpakita ang Office of the Ombudsman ng basehan tungkol sa sabwatan umano ng dalawa upang payamanin ang kani-kanilang sarili gamit ang pondo ng taumbayan.
Ang lahat umano ng mga transaksiyon tungkol sa galaw ng multi-milyong pisong pork barrel funds ay nai-record ng whistleblower na si Benhur Luy.





Comments