Katayan ng motorsiklo ni-raid, 5 timbog
- Maeng Santos
- Jun 15, 2019
- 1 min read

LIMANG hinihinalang drug personalities na sangkot umano sa pagnanakaw at pagkatay ng mga motorsiklo ang arestado sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang mga suspek na sina Angelo Arboleda, 38; Henrick Paul Mendoza, 32; Mark Ramirez, 24; Roy Santos, 40, at Niño Manacho, 36, pawang mga residente ng Bgy. 176, Bagong Silang.
Ayon kay Caloocan Police Deputy for Administration P/Lt Col. Ferdie del Rosario, nagkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng ANCAR at PCP-3 sa pangunguna ni Maj. Raymond Nicolas kontra sa sindikato na nagnanakaw at nagkakatay ng mga motorsiklo kasunod sa pagkakaaresto ng kanilang miyembro na si Maico Dejoras noong June 9, 2019.
Isa sa mga biktima na si Philen Tulawie ang humingi ng tulong sa pulisya nang makita niya ang isa sa mga suspek na palabas ng compound na nagsilbing katayan ng motorsiklo sa Phase 9 Maharlika, Bgy. 176 habang bitbit ang markadong rim ng kanyang motorsiklo.
Alas-2:30 ng madaling-araw nang salakayin ng mga pulis sa pangunguna nina Maj. Nicolas at Capt. Elany Vallangca, ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang tatlong sachets ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalias at 12 pinaniniwalaang nakaw na motorsiklo. Ani Maj. Nicolas, positibong kinilala ng biktimang si Tulawie, kasama sina Mark Lester, 30; Tracy Ballen at Sabalza Anita, 42, ang kanilang mga motorsiklo na kasama sa mga narekober.





Comments