GO AT RAVENA NG CIGNAL ATENEO, BIDA SA D-LEAGUE


SA pinagsanib na puwersa nina Isaac Go at Thirdy Ravena, dinomina ng Cignal-Ateneo ang Centro Escolar University noong Huwebes sa Game 1 ng 2019 PBA D-League Finals.
Pinanindigan ng Cignal-Ateneo ang pagiging paborito makaraang durugin ang CEU, 101-66, sa larong idinaos sa FilOil Flying V Centre sa San Juan. Mula sa 12-9 na kalamangan, biglang naiwan ang Scorpions pagdating ng second period na nagresulta sa 54-31 halftime na bentahe na umabot pa hanggang 39 sa third canto, 78-39.
Tumapos si Go na may 17 puntos, 4 rebounds at 2 assists, habang nagtala si Thirdy Ravena ng 15 puntos, 7 rebounds at 3 assists para sa Blue Eagles.
Naitala ng Blue Eagles na nakakuha din ng 12 puntos mula kay SJ Belangel ang most lopsided PBA D-League Finals game sa ipinoste nilang 35-puntos na bentahe sa pagtatapos ng laro. “We knew coming into the game that they went through a very tough best-of-three against St. Clare and we had more rest. We just wanted to make sure that we use our bench and I think that’s what happened,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.
Magaganap ang Game 2 sa Martes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nanguna para sa CEU si Senegalese center Maodo Malick Diouf na may 21 puntos, 11 rebounds, 4 steals at 3 assists. (VA)





Comments