Dahil sa hindi matapus-tapos na pang-aabuso sa mga OFW, deployment ban sa Kuwait, aprubahan!
- Ryan B. Sison
- Jun 15, 2019
- 1 min read

HINDI na mabilang ang iba’t ibang kaso ng pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Gayunman, marami pa rin ang nakikipagsapalaran para sa pangangailangan ng kanilang pamilya, kaya kahit wala silang kasiguraduhan na ligtas ang kanilang seguridad ay ginagawa pa rin nila ito at nananatiling matapang.
Pero, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), maaaring ipatupad muli ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait dahil umano sa nangyaring panghahalay ng airport personnel sa isang Pinay.
Kaya kahit hindi pa natatapos ang imbestigasyon, mainam siguro kung hindi lang sa salita ipakikita ang pagpapaigting ng kanilang proteksiyon.
Nakalulungkot dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan ang mga pangyayaring tulad nito, kailan nga ba ito matatapos?
Matatandaang, noong 2018 ay ipinatigil na rin ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait dahil sa brutal na pagpatay kay Joanna Demafelis, pero itinuloy pa rin ito dahil din sa kagustuhan ng iba nating kababayan na tanging sa ibang bansa lamang kumakapit para makaahon sa kahirapan.
Kaya ang hamon natin sa gobyerno, maglatag at magsagawa ng mabisa at makabuluhang aksiyon para tuluyan nang matuldukan ang mga pang-aabuso sa ating mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments