Mga nadiskubreng pagkain sa malalim na butas sa loob ng Boystown, talupan!
- BULGAR

- Jun 14, 2019
- 2 min read
ANO ang dahilan o kuwento ng nadiskubreng pagkain na hindi pa naman bulok sa malalim na butas sa loob ng Boystown sa Maynila? Hindi pa raw nabubulok o nagagalaw na bigas, asukal, kape, noodles, oatmeal at tsokolate ang nadiskubre sa loob ng butas na sampung talampakan ang lalim.
Nagtungo si incoming Manila Mayor Isko Moreno sa Boystown nang makatanggap ng mga balita sa social media tungkol sa mga pagkaing dinadala roon. Ang plano umano ay itago mula sa papasok na administrasyon, bakit? Handa silang magsayang ng pagkain na dapat maibigay sa mga taga-Boystown o kung sinuman ang nangangailangan ng pagkain dahil lang sa politika? Maling-mali naman ‘yan!
Hindi natin maisip kung bakit nila gagawin ito. Ang Pilipinas na third world na bansa ay magtatapon ng maayos na pagkain dahil sa anumang dahilan. Gayunman, iimbestigahan daw ni Mayor Isko Moreno kung sino ang nasa likod nito. Tila ginawa raw ito para mapasama ang kanyang administrasyon. Hintayin na lang natin ang anumang imbestigasyon na sa tingin natin ay dapat gawin na. Huwag nang hintayin ang papasok na bagong administrasyon dahil malinaw na hindi ito tama.
◘◘◘
Pagkalawak-lawak ng karagatan, mababangga pa ang barkong nakaangkla, hindi ba sinadya ‘yun? Isang barkong pangisda ng mga kababayan nating Pinoy na nakaangkla sa Recto Bank ang binangga ng barkong-pangisda ng China. Ang masama pa, iniwan ng barkong Tsina ang 22 mangingisdang Pilipino nang lumubog ang kanilang barko. Mabuti na lamang at naroon ang barkong-pangisda ng Vietnam na siyang sumagip sa mga mangingisda at sa awa ng Diyos ay walang namatay.
Naging mabilis ang pagkondena sa insidente, partikular mula kina Defense Sec. Delfin Lorenzana at DFA Sec. Teodoro “Teddyboy” Locsin, Jr., mabuti naman. Ipinakita lang daw ng mga mangingisdang taga-China ang kanilang kaduwagan sa insidente. Hindi raw aksiyon ng kaibigang bansa ‘yan, talaga! Binangga na nga, iniwan pa? Sa anong dahilan, para iparamdam sa atin na sa China ang karagatan? Kung iisipin, napakalapit sa Pilipinas ng Recto Bank at isa pa, wala silang dahilan para banggain ang barko, sabihin mang gabi nangyari ang insidente.
Paniguradong may mga ilaw ang barko kapag nasa laot. Wala rin silang dahilan para iwanan ang mga mangingisdang literal na nasa tubig. Kahit magkaaway noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig ay sumasagip ng mga kalabang marinero kapag lumubog ang barko ng kalaban. Ano pa ang masasabi natin sa kinakaibigang bansa ng administrasyong ito, may magtatanggol pa kaya sa kanilang ginawa? Kasalanan ba ng mga mangingisdang Pinoy dahil hindi sila umiwas? Sabihin na nating aksidente pero, bakit iniwan lang sila? Sinong pulang-dugong Pilipino ang hindi magagalit d’yan?





Comments