Dike bumigay, mag-utol na 8 at 10 nadaganan, patay

NASAWI ang magkapatid na paslit makaraang madaganan ng gumuhong dike ng flood control project sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang magkapatid na sina Kevin Jose, 10, at Mike Jhon Yadao, 8, habang nakaligtas ang isa pa nilang kapatid na apat na taong gulang na si Justine Sean.
Batay sa naisumiteng report kay Nueva Vizcaya Provincial Police Office Director Lt. Col. Leumar Abugan, naglalaro ang magkakapatid malapit sa sirang bahagi ng dike sa Bgy. Macate nang gumuho ito at madaganan ang dalawa.
Napag-alaman na katatapos lamang mamulot ang magkakapatid ng tuyong mga tangkay ng puno sa ilog malapit sa dike at sumilong sa sirang pader ng dike para maglaro.
Sinasabing lumambot ang pundasyon at haligi ng dike sa paglipas ng panahon at una na itong nasira noong 2017.





Comments