Bangka nabangga ng barko ng Chinese, lumubog, iniwan | 22 PINOY NA-‘HIT-AND-RUN’ SA WPS
- V. Reyes
- Jun 13, 2019
- 1 min read

INABANDONA habang papalubog ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda matapos mabangga ng Chinese fishing vessel sa Rector Bank sa West Philippine Sea.
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakaangkla ang F/B GIMVER 1 nang mabangga ng bangka ng China noong Linggo ng gabi.
Aabot sa 22 tripulante at mangingisda ang sakay ng nadisgrasyang bangka.
Mariing kinondena ni Lorenzana ang hindi pagsaklolo ng Chinese boat sa mga Pilipinong sakay ng bangka matapos nilang mabangga ito.
“We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene abandoning the 22 Filipino crewmen to the mercy of the elements,” ayon kay Lorenzana.
Hindi aniya ito ang inaasahang aksiyon mula sa isang responsable at kaibigang bansa.
“We condemn in the strongest terms the cowardly action of the Chinese fishing vessel and its crew for abandoning the Filipino crew. This is not the expected action from a responsible and friendly people,” dagdag pa ng kalihim.
Nais ni Lorenzana na magkaroon ng pormal na imbestigasyon tungkol sa insidente at ang pagtutulak ng diplomatikong hakbang upang hindi na maulit ang nangyari.
Nagkataon namang may dumaang barko ng Vietnam sa lugar na nagligtas sa 22 mangingisdang Pilipino.





Comments