top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

8 PINOY JUNIOR CHESSERS, ‘DI UMAATRAS SA VIETNAM

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 13, 2019
2 min read

NAKIKIPAGGITGITAN ang Pilipinas kontra sa Vietnam sa tulong ng walong kabataang woodpushers para mahablot ang pangkalahatang korona ng umiinit na 20th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Age-Group Chess Championships sa Mandalay City sa Myanmar.

Bumabandera para sa bansa ang mga kalalakihang sina International Master John Marvin Miciano, Christian Mark Daluz, Mark Jay Bacojo at Al-Basher Buto na pare-parehong nangunguna sa kani-kanyang age group.

Kasosyo ni Miciano, second seed sa sagupaan dahil sa rating na 2345, sa paghawak ng trangko si top-ranked IM Anh Khoi Nguyen (rating:2507) ng Vietnam sa Under 20; solo lider si Daluz sa U18; kasama ni Bacojo sa tatlo-kataong lead pack ang mga Thai gem na sina Prin Laohawirapap at Chawit Mekarapiruk; samantalang si Buto ay umaarangkada sa U10 kasabay ang Vietnamese bet na si Thai Son Nguyen. Lahat sila ay may perpektong marka na tatlong panalo pagkatapos ng tatlong rounds sa sagupaang isinasaayos ng Union of Myanmar.

Sa kababaihan, nakasandal ang Pilipinas sa impresibong arangkada ng mga dalagitang sina Allaney Jia Doroy, Vic Glysen Derotas, Ruth Joy Vinuya at Antonella Berthe.

Dalawang panalo at isang tabla ang naging tuntungan ni Doroy para makasabay sa nangungunang pulutong sa G20 na grupong binubuo ng malulupit na mga pambato ng Vietnam na sina Hong Ngoc Nguyen, Khanh Linh Dong, Thanh Thuy Tien Nguyen at Thi Minh Thu Nguyen. Malinis na kartada naman ang tangan ni Derotas para sa solong pagbandera sa G18. Ganito rin ang armas ni Vinuya sa G16 na bakbakan pero kahati niya sa liderato si Woman FIDE Master Ngoc Thuy Duong Bach. Nag-iisa naman sa harapan ng mga nag-aambisyon para sa G12 na titulo si Racasa na may malinis pa ring rekord pagkatapos ng tatlong rounds.

Mga Vietnamese ang karaniwang namamayagpag sa iba pang mga kategorya ng sagupaang nilalahukan ng mga kinatawan mula sa Indonesia, Malaysia, India, Mongolia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam at Pilipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page