top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Pramis ni P-Digong na bibilis na ang trapiko sa EDSA, abangan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 12, 2019
3 min read

ISANG sorpresa ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na ang biyahe sa pagitan ng Cubao at Makati City ay maaaring maging 5 minuto na lang.

Paano kaya mangyayari ito? Malalim at kumplikado ang problema ng matinding trapiko sa EDSA kung saan inaabot ng ilang oras ang biyahe.

Pero, sa totoo lang, kung kilometro ang pag-uusapan ay malapit lang ang Quezon City sa Makati at iba pang siyudad sa Metro Manila.

Sa mga may edad d’yan na naabutan ang EDSA noong 1960s, 1970s, hanggang sa unang bahagi ng 1980s, maalala pa ba nila na talagang minuto lang ang biyahe mula Cubao papuntang Makati City at pati na rin mula sa Quezon City hanggang sa Maynila?

Ayon kay Pangulong Duterte, maghintay lang daw tayo. “Ayaw kong mag-ano (unahan ang anunsiyo) subalit, mag-i-improve ang trapiko at sa awa ng Diyos pagdating ng Disyembre ay mabilis na.”

“Hindi na ninyo kailangang alalahanin pa ang trapiko. Ang Cubao at Makati City ay magiging 5 minuto na lang,” dagdag pa ni Pangulong Duterte.

Dapat noon pa naresolba ang problema sa matinding trapiko kung hindi lang hinarang ang pakiusap ng Malacañang na bigyan ito ng “emergency powers” para malutas ang problema.

Baka raw korupsiyon ang mangyari kung ibibigay ang ganitong kapangyarihan kay Pangulong Duterte, ayon kay Sen. Grace Poe, dating chairperson ng Senate Committee on Public Services. Naku naman, nanira na kayo agad, wala pang ginagawa? Pasalamat kayo at hindi kayo nabanatan nang husto tungkol dito.

Ayon kay Senator-elect Francis Tolentino, dating hepe ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi raw naintindihan ng senadora ang hinihinging emergency powers. Hindi raw ito labag sa batas, dagdag pa ni Sen. Tolentino.

Ipinaliwanag niyang ang dagdag-awtoridad ay gagamitin para mapabilis ang pagsasaayos ng sistema ng MRT/LRT. Aayusin din daw ang mga ordinansa sa buong National Capital Region (NCR) para hindi magkakaiba ang patakaran.

Ang hindi alam ng mga tao ay istrikto ang ating mga batas kaya kailangan ng espesyal na “emergency powers” kung gusto nating mapabilis ang pagresolba ng malaking problema.

Bilyones daw ang nawawala sa bansa dahil sa problema ng matinding trapiko, ayon sa JICA. Naapektuhan ang pagpapatakbo ng ekonomiya, negosyo at iba pang gawain ng megapolis tulad ng Metro Manila.

Gayundin, binigyan ng kakaibang awtoridad sina ex-P-Cory at ex-P-FVR noong hinarap nila ang malaking problema ng kawalan ng power at elektrisidad sa bansa.

Kung ibinigay kina ex-P-Cory at ex-P-FVR ang “emergency powers”, bakit pilit binara ito ni Sen. Poe?

Namomolitika lang ba siya o nagpapalakas noon sa dilawan, talunan na ang mga ito, madam, dapat lumihis na kayo ng linya!

Ang hindi pagresolba sa matinding trapiko sa EDSA ang tanging pangako sa kampanya ni Pangulong Duterte na hindi pa niya naibibigay. Nagawa na niya ang “campaign promise” niyang libreng tuition fee sa mga pampublikong paaralan.

Naibigay din niya ang libreng paospital at ang Pantawid Pamilya (4Ps), na nagbibigay ng pampinansiyal na ayuda sa mga mahihirap ay ginawa na niyang permanenteng programa ng gobyerno.

Hindi natin alam ang iba pang “surprise” ng pangulo at kung bakit malakas ang loob niyang sabihing bibilis ang trapiko sa EDSA.

Pero, ang mga alam natin. Una, siguradong isasampang muli sa Kongreso ang hiling ng gobyerno na magkaroon ng “special emergency powers” ang pangulo para masolusyunan ang problema sa matinding trapiko.

Si Sen. Tolentino ang tinatayang magpa-file ng bill sa Senado at dahil kontrolado na ito ngayon ng administrasyon, siguradong maipapasa ito.

Pangalawa, malapit nang matapos ang Skyway Stage 3 na magkokonekta ng South Luzon Expressway (SLEX) sa North Luzon Expressway.

Bago matapos ang 2019, maaari nang magamit ang Skyway S3 na may anim na lane na magpapabilis ng daloy ng mga sasakyan. Sa Buendia, Makati, magkokonekta ang SLEX at NLEX papuntang Bagong Barrio sa Caloocan patawid ng EDSA-Balintawak Cloverleaf.

Anong pagbabago ang maaari nating asahan dito? Unang mangyayari ay ang malaking bawas ng mga kotse, bus at trak mula SLEX na tumatawid pa ng EDSA para lamang makarating ng NLEX at mga karatig-lugar dito.

Gayundin, pabaligtad na kung may taga-Bulacan at iba pang lugar sa norte na gustong pumunta ng Tagaytay, Batangas, Laguna at iba pang probinsiya sa south ay hindi na sila daraan pa sa EDSA, mas mabilis ang Skyway S3.

Isa pang imprastruktura na malapit na ring matapos na maaaring makatulong para maibsan ang trapiko sa Metro Manila ay ang NLEX-SLEX Connector Road.

Ayon sa DPWH, kapag nabuksan na ang mga bagong daan, mababawasan ng mahigit 50,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA.

Mirakulo ba ang pagresolba ng trapiko o dahil ito sa programa ng administrasyon na “Build, Build, Build”? “Give credit where credit is due”, ‘ika nga nila at sana tigilin na ang pamomolitika, tigilan na ang estilong dilawan.

Sabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kung magagawa raw ng pangulo na maayos ang trapiko, dapat maging pangulo si Pangulong Duterte, habambuhay.

Tatandaan namin ang sinabi ninyo, Sen. Lacson!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page