Mga opisyal kaugnay ng isyu ng “ghost dialysis”, pinasisibak!

HININGI na ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na sa puwesto ang mga opisyal ng ahensiya kaugnay sa naisiwalat na “ghost dialysis scam” kung saan nakasisingil pa ang dialysis center para sa serbisyo kahit pumanaw na ang pasyente.
Samantala, pinag-iisipan naman na maglagay ng mga dating doktor sa militar at pulis. Hindi na nakapagtataka kung napakarami nang ahensiya sa kasalukuyang administrasyon ang pinamumunuan ng mga dating heneral ng AFP o PNP. Kaugnay nito, mahigit P100 bilyon umano ang nawala sa panloloko, bagay na itinanggi ng ahensiya. Maliit na halaga ba ‘yun?
“Command responsibility” ang tinatawag ng mga sundalo riyan, kung ang mga dating sundalo rin lang ang papalit. Hindi nila puwedeng sabihin na wala silang alam sa mga nagaganap sa ahensiya. Dapat alam nila ang lahat, lalo na kung nakikita ang malaking halaga ng pera na lumalabas sa ahensiya.
◘◘◘
Iba naman ang sinasabi ng may-ari ng WellMed, ang isa sa mga may-ari ay hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI). Ayon sa kanya, ang mga whistleblower ang may pakana ng scam at hindi sila, nagtuturuan na, pero saan ba napupunta ang cheque kapag nagbabayad na? Ang alam natin, nasa pangalan ng ospital o kumpanya, hindi sa pangalan ng empleyado. Kung sasabihing ang mga nagsusumbong ngayon ang nasa likod, paano sila kumikita? Maliban na lang kung may kasunduan ang mga may-ari ng kumpanya at ang mga empleyadong nagpapadala ng singil, hindi ba? Baka may hatian silang pinag-usapan?
Samantala, nagsampa na ng reklamo laban sa WellMed. Malalaman na lang natin kung paano naipairal ang ganitong kalokohan. Sana, may matutunan ang lahat para mapatibay ang sistema ng bawat ahensiya laban sa pandaraya.





Comments