top of page
Pokwang.jpg

Akreditasyon ng mga samahang maralita, tinututukan ng PCUP, ayos!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 12, 2019
2 min read

AKREDITASYON ng mga lehitimong samahang pangmaralita ang isa sa mga misyon ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP). Layunin nitong makalahok ang mga accredited na samahan sa pagbubuo ng polisiya at programa ng gobyerno.

Para sa inyong kaalaman, ang mga samahang ito ay magkakaroon ng karapatang makilahok sa mga konsultasyon, prebilehiyong mai-refer upang mabigyan ng serbisyo ng pamahalaan, mabigyan ng training o tulong-teknikal. Kaakibat nito, mayroong obligasyon ang bawat samahang maralita na kailangang sundin.

Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Kami ay accredited ng PCUP. Nagbago na ang aming officers dahil nag-eleksiyon kami noong Sabado at baka mag-update na rin kami ng members kasi may mga umalis. May isang taon pa bago mag-expire ang accreditation namin. Kailangan bang mag-update na kami agad-agad o isabay na lang namin sa renewal? Salamat! — Arnel

Sagot Kung mayroong malakihang pagbabago sa ating samahan, obligasyon ng ating accredited na samahan na ipagbigay-alam ito agad sa Accreditation Committee. Anu-ano ba ang mga dapat ipaalam?

Bilang responsableng samahan, ipaalam sa PCUP ang mga sumusunod: (1) amyenda sa by-laws o articles of incorporation, (2) pagpapalit ng opisyales pagkatapos ng eleksiyon o appointment, (3) pagpapalit ng pangalan ng samahan, (4) pagpapalit ng address (5) o iba pang pagpapalit na kritikal sa samahan.

Bukod dito, dahil katatapos lamang ng inyong eleksiyon, kailangan ninyong magsumite ng katitikan o minutes ng eleksiyon na may lagda ng kalihim.

Isa sa mga batayan ng pagbawi o pagpapawalambisa ng akreditasyon sa PCUP ay kung hindi natin natutupad ang ating mga obligasyon bilang samahan. Mas mainam sa inyong samahan na ipaalam agad sa PCUP ang mga pagbabagong nagaganap upang masubaybayan ang inyong pag-unlad.

Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.

Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.

Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page