PUMUWESTO SA WINNING TRACK ANG ARMY SA PVL


ISINARA ng Pacific Town Army ang first round sa pamamagitan ng pagbalik sa winning track makaraang ungusan ang BanKo Perlas sa unang 5-setter game ng Premier Volleyball League Season 3 Reinforced Conference, 25-22, 23-25, 27-29, 25-20, 15-7, kamakalawa sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Sumandig ang Lady Troopers kay American import Jenelle Jordan at sa bihirang magamit na si Jem Gutierrez upang matapos ang unang round na may 3 panalo kontra 2 talo.
“We finished on a high note sa end of first round at 3-2. Happy kami na nasa gitna kami ng standings,” pahayag ni Army coach Kungfu Reyes.
Tumapos si Jordan na may 23 puntos na kinapapalooban ng 21 attacks habang nagposte naman ng all-around game si Ukrainian Lena Lymareva-Flink sa itinala nitong 19 puntos, 13 digs at 14 excellent receptions para sa Lady Troopers.
Hindi naman nagpahuli ang mga locals na sina Royse Tubino na nagsalansan ng 16 puntos, Angela Nunag na may 30 digs at 18 excellent receptions at setter Alina Bicar na may 26 excellent sets at 10 puntos.
Dahil sa kabiguan, bumaba ang BanKo Perlas na nagbigay ng 27 puntos sanhi ng kanilang errors sa kabaligtarang barahang 2-3.
Pinamunuan sila ni American Kia Bright na may 20 puntos. (VA)





Comments