Pagbo-volunteer ng college students sa charity at outreach programs, aprub!


NAKATATABA ng puso na makita ang maraming estudyante na inilalaan ang kanilang sarili upang makapaglingkod sa kapwa.
Isa na rito ang taunang programa na Brigada Eskwela 2019 noong Mayo. Naging matagumpay ito dahil sa pagtutulungan ng iba’t ibang boluntaryong organisasyon, mga guro, magulang at maging ang mga mag-aaral na direktang makikinabang dito.
Paglilinis ng klasrum at school grounds, pag-repair ng sirang kagamitan at iba pang gawain na kusang-loob nilang ibinigay nang walang inaasahang kapalit. Tunay na kapuri-puri ang kabataang ito na maituturing na ehemplo ng magandang pagkakawanggawa o pagboboluntaryo.
Sa pagkakataong ito, nagsisimulang mahubog ang abilidad ng kabataang maging future leaders dahil sila ay nagpapakita ng mabuting halimbawa tulad ng pagiging disiplinado, tapat at may malasakit sa kapwa.
Hindi man madali ang mga aktibidad, ang mahalaga ay ang makabuluhang kontribusyon sa ating lipunan.
Para sa mga college student naman, dahil libre na ang tuition sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa buong bansa — Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law, isinaad sa batas ang tungkulin ng mga mag-aaral na magbigay ng kontribusyon sa pamamagitan ng makabuluhang Return Service Agreements (RSAs).
Ang RSAs ay paraan para maglaan ng serbisyo ang mga college student tulad ng pag-assist sa mga community outreach program, tumulong sa pagpapanatili ng library facility, student assistants tuwing enrollment period, mag-volunteer sa mga university-wide activities at maging parte ng charity programs sa mga komunidad na nasalanta ng kalamidad.
May mga proyekto rin na may kaugnayan sa kalusugan, youth development, pagpapaunlad ng mga pamayanan, pag-iingat sa kapaligiran, pagtulong sa ilang ahensiya ng paaralan at marami pang iba.
Nakasaad sa Section 4, Paragraph 3 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10931 na minamandato ng State Universities and Colleges (SUCs) at ang Local Universities and Colleges (LUCs) na iimplementa ang RSA sa mga makikinabang ng free higher education bilang parte ng admission at retention policies ngunit, base sa Commission on Higher Education (CHED), nakadepende na sa mga paaralan ang desisyon kung ipatutupad nito ang RSAs sa mga benepisaryo ng nasabing batas.
Sana ay patuloy na ipatupad ng SUCs at LUCs ang pagtugon sa ganitong mga gawain dahil sa pamamagitan nito, nasasanay ang mga kabataan na maging responsableng mamamayan at naihahanda sila na maging produktibong miyembro ng lipunan.
Panahon na upang mahubog ang mga estudyante. Tulungan natin sila tungo sa tamang disiplina, pagsisikap at pagmamalasakit sa kapwa upang maging kapaki-pakinabang na mamamayang Pilipino.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments