P-Duterte, nag-surprise inspection sa NAIA

NAGSAGAWA ng surprise inspection si Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport matapos makarating sa kanyang kaalaman ang pagkaantala at kanselasyon ng mga biyahe na nakaabala sa mga pasahero.
Alas-2:00 ng madaling-araw nang inspeksiyunin ng pangulo ang NAIA Terminal 2 sa Pasay City.
Dito tinanong ng pangulo ang mga opisyal ng airline at NAIA kaugnay sa naging kanselasyon at pagkaantala ng mga biyahe at kung nabigyan umano ng insentibo ang mga apektadong pasahero dahil sa naging abala.
Ipinaliwanag naman ng manager ng Philippine Airlines at airport duty manager ng NAIA-Terminal 2 kay P-Duterte ang naging problema at ang kanilang aksiyon upang maibalik sa normal ang sitwasyon.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang Punong Ehekutibo sa mga pasahero at tiniyak na mabibigyan ng remedyo ang naturang problema sa loob ng isang buwan.
Matapos inspeksiyon, nagtungo ang pangulo sa isang food kiosk sa airport.
Matatandaang, pitong flights patungong Maynila ang na-divert sa Clark International Airport at 54 flights naman ang na-delay dahil umano sa hindi magandang panahon noong Linggo ayon sa Manila International Airport Authority.
Kamakailan, inireklamo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang limitadong carousels na gumagana at mahina pa ang aircon dito.





Comments