top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

LAST FINALS BERTH, ASAM NG CEU AT VIRTUAL REALITY

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 11, 2019
1 min read

MAKAMIT ang huling finals berth at ang pagkakataong makaduwelo ang naunang finalist, Cignal-Ateneo ang pag-aagawan ng Centro Escolar University at ng St. Clare College-Virtual Reality sa muli nilang paghaharap ngayong hapon para sa 2019 PBA D-League Semifinals sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Magsisimula ang do-or-die Game 3 ng Scorpions at ng Saints ng 4 p.m. Naipuwersa ng St. Clare ang rubbermatch matapos itabla sa 1-1 ang serye at putulin ang nasimulang Cinderella Run ng nangalahating roster ng CEU noong Huwebes sa pamamagitan ng 84-50 panalo. Sa pangunguna ni Malian center Mohammed Pare, nagawang dominahin ng Saints ang nalalabing walong manlalaro ng CEU partikular ang Senegalese slotman na si Malick Diouf upang ipatas ang serye at buhayin ang tsansa nila na sumulong sa kampeonato. Dahil sa mahigpit nilang depensa ay nalimitahan ng Saints si Diouf sa 7 puntos lamang noong Huwebes. Gayunman, naramdaman pa rin ito sa depensa matapos kumaldag ng 22 rebounds at magtala ng 2 blocks.

Bunga ng kanilang pagkapanalo, naniniwala si St. Clare coach Jinino Manansala na abot kamay na lamang nila ang pangarap na makatuntong ng finals. “Alam ko na amin na, eh, kaya maga-adjust kami sa kung anong puwede pang ma-adjust at paghahandaan namin sila,” pahayag ni Manansala. Maliban kay Pare na nagposte ng 17 puntos, 15 rebounds at 4 na blocks noong Game 2, inaasahang mangunguna sa Saints sa asam nilang pagpasok sa kampeonato sina Junjie Hallare, Joshua Fontanilla at Joseph Peñaredondo. Sa panig ng CEU, maliban kay Diouf ay magkukumahog ding bumawi sina Rich Guinitaran, Kurt Sunga at Franz Diaz upang hindi masayang ang mga pinaghirapan kahit walo na lamang silang natira sa team. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page