Edad 8 at 9, dedo sa swimming
- Jeff Tumbado
- Jun 11, 2019
- 1 min read

NASAWI ang dalawang menor-de-edad nang malunod sa ilog, ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay sa Bgy. Zone 6, Talisay City, Negros Occidental.
Kapwa nakita na lamang ang bangkay ng dalawang biktima na nakilalang sina John Dave Nemes, 8, at Christian Alati-it, 9, na palutang-lutang sa tubig nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa report, ang kagawad ng barangay na si Arthur Demijillo ang nakadiskubre sa dalawang bata na wala ng buhay at palutang-lutang. Batay sa imbestigasyon, nagkayayaan umanong maligo sa ilog ang dalawa habang ang mga ito ay naglalaro malapit sa tabi ng ilog.
Sinasabing may isa pang bata ang kasama ng dalawang biktima sa paliligo subalit, nakita umano ito ng kanyang magulang at agad na pinauwi.
Napag-alaman na ang naturang ilog ay hindi pinapayagang paliguan ng sinuman sa mga residente sa lugar dahil napakarumi at delikado sa biglaang pagtaas ng lebel ng tubig.





Comments