Sigaw ng mga manggagawa | SECURITY OF TENURE BILL, PEKE
- Gina Pleñago
- Jun 10, 2019
- 1 min read

TAHASANG sinabi ng labor group na Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na peke ang Security of Tenure (SOT) Bill na hindi naman nagbibigay ng seguridad sa trabaho sa manggagawa ang nasabing batas.
Iginiit ng BMP na halos lahat ng labor groups sa bansa ay may kritisismo sa SOT Bill at panahon na upang likhain ang pinakamalawak na pagkakaisa ng manggagawa para ipaglaban ang repormang totoong pupuksa sa salot na kontraktuwalisasyon.
Ang umano’y palsipikadong SOT Bill na pumasa sa Kongreso matapos sang-ayunan ang Senate Bill 1826 (End Endo Bill) ay mas konsesyon sa mga kapitalista kaysa reporma para sa mga manggagawa.
“Hindi na ito kinontra ng mga kapitalista sapagkat nakuha naman ng kapital ang kanilang ninanais — ang gawing legal o kilalanin bilang “legitimate contracting” ang pagkokontrata sa mga trabahong “non core” sa operasyon ng mga prinsipal na employer. Nanaig dito ang kanilang paghahangad ng mura at maamong manggagawa na hindi nila direktang empleyado kundi magiging regular na trabahador ng kanilang mga service provider,” ani BMP Chairperson Leody de Guzman.
Kabilang sa mga kritisismo ng BMP ay ang mga sumusunod; inalis ang kapangyarihan ng DOLE secretary na i-prohibit ang contracting kung ito ay nakakasama sa karapatan at kagalingan ng manggagawa; pinananatili nito ang trilateral work arrangements; ininstitusyonalisa ang pagkokontrata sa trabahong “non core” kahit ito ay “usually necessary or desirable” at nagbabalatkayo sa pangalang “security of tenure” ngunit, dahil hindi binuwag ang mga trilateral arrangement ay nagpapanatili sa salot na kontraktuwalisasyon.
Samantala, nabatid na nakatakdang ilatag ang naturang bill sa mesa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa paglalagda.




Comments