top of page
Pokwang.jpg

Pangulo at Kongreso ‘pag nagtulungan, maraming repormang magagawa

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 10, 2019
3 min read

PARA sa atin, mahalagang isyu kung iku­kumpara natin ang mga kandidato sa susunod na Speaker ng House of Representatives.

Ito ay kung anuman ang posisyon at reak­siyon ng kandidato noong panahon na nag­wawala ang dilawan laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ipinakulong ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III si ex-P-GMA at binatuhan ng maraming kaso. Lahat ng kaso ay naipawalambisa at pinalaya siya ng korte.

Limang taon ang ninakaw sa kanyang bu­hay, limang taon siyang nakakulong sa maliit na kuwarto sa Veterans Memorial Hospital at hindi siya pinayagang magkaroon ng telebisyon o internet.

Kaunti lang ang dumadalaw sa kanya, sa pagkakataong ito nakita ang tunay niyang mga kaibigan at kabilang na si Rep. Martin Romual­dez ng Leyte.

Hindi natakot kay ex-P-Noy si Rep. Ro­mual­dez, dinipensahan niya si ex-P-GMA at inala­gaan ang KAMPI Partylist ng dating pangulo para hindi mawala sa politika.

Noong nakaraang taon, naging Speaker ng Kongreso si ex-P-GMA, si Romualdez ang kanyang “understudy” at marami siyang natu­tu­nan sa pagpapatakbo ng Lehislatura.

Nakita niya kung gaano kagaling si ex-P-GMA sa pagdisiplina ng Kongreso kaya ma­rami itong naipasang batas (hindi tulad ng ma­bagal na Senado). Maganda rin ang dayalogo sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at ex-P-GMA.

Isa itong mahalagang leksiyon para sa su­sunod na Speaker na kapag nagtutulungan ang Kongreso at ang pangulo, maraming reporma ang magagawa para sa bayan.

Samantala, kontra naman si Rep. Alan Peter Cayetano kay Martin Romualdez, na parang di­law sa asul ang pagkakaiba. Sumikat si Ca­yetano bilang lider-lideran ng mga maiingay na pulitiko na nagpapalakas noon kay ex-P-Noy kaya panay banat kay ex-P-GMA.

Pati biography niya sa kanyang Senate web­site ay ipinagmalaki niyang spokesman siya ng impeachment team na nanira kay ex-P-GMA para makulong ito. “Proud” pang sinabing ang blue ribbon committee niya ang nag-imbestiga sa NBN-ZTE deal, isa pang kaso na naipawa­lambisa rin, inak­saya lang ni Cayetano ang pera at panahon ng bayan.

Kasama noon ni Cayetano sina Senador Antonio Trillanes IV at Risa Hontiveros sa pa­ngunguna ng paninira kay ex-P-GMA para la­mang matuwa si ex-P-Noy, na prinsipe ng di­lawan. Akala ni Cayetano kapag minura niya nang husto si ex-P-GMA ay kukunin siya bilang bise-presidente ng dilawan, pero inayawan din siya ni ex-P-Noy at si VP Leni Robredo ang kinuha bilang kandidato noong 2016 Presidential Elec­tions.

Sa pagkadesperado niyang maging bise ay tumakbo sa Davao si Cayetano at nagmakaawa sa noon ay mayor ng Davao City na si Pangu­long Duterte na siya ang kuning kandidato bilang bise-presidente.

Hindi natin alam kung bakit pumayag si Pa­ngulong Duterte na kunin si Cayetano. Ang sabi ng iba, malaki raw ang pondo nito sa kam­panya. Maaaring naawa lang siya dahil wala nang pumapansin dito.

Anuman ang rason, sigurado tayong nag­sisisi na si Pangulong Duterte kung bakit si Ca­yetano ang kanyang sinuportahan bilang bise-presidente. Nahati ang boto ng mga pro-Duterte at karamihan ay kay “Bongbong” Marcos pa rin bumoto.

Malinaw ngayon mula nang manalo si Pa­ngulong Duterte na nalinlang ang mga Pilipino sa iskrip ng dilawan na “black versus white”.

Bawat kaaway nila sa politika, mula kay ex-P-Marcos hanggang kay ex-P-GMA at ngayon si Pangulong Duterte, sinisiraan at pinalalabas nilang masama para sila ang magmukhang “anghel”.

Paano magiging anghel ang dilawan, ga­yung kaliwa’t kanan ang mga isyu noong sila ang nasa poder tulad ng pagkamatay ng mga Pilipino sa Mamasapano masaker, Manila hos­tage crisis, isyu sa “Yolanda” funds, palpak na bakuna (Dengvaxia), korupsiyon sa iligal na droga at marami pang ibang kawalanghiyaan?

Sa mga kongresistang boboto, isipin nin­yong mabuti: Sino ang kandidato sa pagka-Speaker ang magiging “unifying force” para sa Kongreso?

Sino ang may magandang karakter ng ka­tapatan, integridad, talino at pagkamaginoo? Siya ang nararapat na susunod na Speaker ng House of Representatives.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page