Mga patayan at pananakot sa ilalim ng Duterte administration, hindi makalulusot!

ANG kaliwa’t kanang patayan sa bansa kaugnay sa ‘war on drugs’ ng gobyerno ay hindi nakaligtas sa mga mata ng human right experts kung saan nais nila itong maimbestigahan.
Kasabay nito, inakusahan din nila si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa hayagang pananakot sa mga aktibista at Mahistrado ng Korte Suprema, pagyurak sa kababaihan at pagsusulong ng karahasan laban sa mga tulak ng iligal na droga.
Kung saan ito ang kanilang nakikitang dahilan para maglunsad ng independent investigation sa anila’y mabilis na pagwasak sa karapatang-pantao sa bansa.
Gayunman, sa kanilang joint statement, sinabi ng UN experts na walang indikasyon na magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kaso ng pagpatay sa mga drug suspect.
Buwelta naman ni P-Duterte, walang pakialam ang international body sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa iligal na droga at hinamon ang mga ito na siya nalang umano ang kasuhan para sa pagkamatay ng libu-libong katao na sangkot sa iligal na droga.
Sa totoo lang, nakatatakot ang mga kaganapang ito kung saan maraming inosente ang nadamay kaya kung nais imbestigahan, bakit hindi gawin? Lalo na kung ito ang makatutulong para makamit ng ilang mga pamilya ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay na namatay.
Tandaan, ang partikular na bagay ay hindi matutuldukan hangga’t marami tayong dapat malaman na hanggang ngayon ay hindi pa naisisiwalat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments