GOLOVKIN BRUTAL NA PINABAGSAK SI ROLLS


MULING ipinakita ni dating unified middleweight champion, Gennady Golovkin ang kanyang tikas noong Sabado sa bisa ng sensational fourth-round knockout kay Steve Rolls sa kanilang super middleweight fight sa Madison Square Garden.
Tinamaan ng 37-anyos na Kazakhstan si Rolls ng isang mabigat na kaliwa upang mapadapa na una ang mukha ng Canadian sa canvas sa nalalabi na lamang na 1 minuto sa 4th round sa harapan ng may 12,357 na sumaksing manonood. “I feel great, I feel like a new baby,” ani Golovkin.
Muling lumaban si Golovkin mula sa 9 na buwan na pagkakabakante mula nang makalasap ng unang pagkatalo sa kanyang career at pinili na kasahan ang heavy underdog na si Rolls at makaraan ay hinamon kaagad para sa ikatlong laban si champion Saul ‘Canelo’ Alvarez.
Unang ikinagitla ng marami ang isang heavyweight upset nang dispatsahin ng unheralded at overweight na si Andy Ruiz, Jr. ang kampeon na si Anthony Joshua at kinuha ang tatlong korona nito.
Tiniyak ni Golovkin na hindi na iyon mauulit, nang gamitin ang unang tatlong rounds ng 164-pound fight, napag-aralan kung paano gagapiin ang undefeated na si Rolls.
Sinukat siya ni Golovkin at nanaig kaagad sa first round. Pagdating sa second, tinamaan siya ni Rolls (10-1) sa bisa ng left hook at left jab. Pero nagsimulang makita ni Golovkin ang butas sa depensa ni Rolls sa 3rd round. Naghintay siya ng pagkakataon, manaka-naka siyang nagbitaw ng upak, pagdating sa huli ay doon na siya bumanat. (MC)





Comments