VALIENTES AT STEEL, MULING HAHASAIN SA 3X3 PATRIOTS CUP
- A. Servinio
- Jun 9, 2019
- 2 min read

SISIGURADUHIN na magiging malakas ang mga kinatawan ng Mindanao sa Chooks To Go Pilipinas 3X3 Patriots Cup ng Coca-Cola na magsisimula ngayong Hunyo 16 sa SM Seaside City Cebu. Nasa kamay ng nagbabalik na Zamboanga Valientes at ang baguhang Basilan Steel ang pagwagayway ng bandila hindi lang ng kanilang mga lugar kundi pati na rin para sa buong isla.
Nais bumawi ng Valientes sa kanilang ipinakita sa nakaraang President’s Cup noong Marso kung saan nagtapos sila sa 7th place. Nanalo lang sila ng tatlong beses sa kanilang 10 laro ngunit maaring magbago ang lahat.
Puwede na ngayong kumuha ng isang banyaga ang bawat koponan kaya hindi na nag-aksaya ng panahon ang Zamboanga para papirmahin si 6’7" Shooter Olago ng Cameroon na hinirang na Most Valuable Player ng Cebu Schools Athletic Foundation (CeSAFI) noong 2015 bilang haligi ng kampeon na University of San Carlos. Isa pang bagong pasok sa koponan ang beteranong si Lyndon Gudez ng University of San Jose-Recoletos at sasamahan ang mga bumabalik na sina Das Esa, Rino Berame, Ferdinand Lusdoc at dating PBA player Jonathan Parreno.
Samantala, desididong gumawa ng ingay ang Basilan sa unang sabak sa tatluhan. Nasa panig na ng Steel ang dalawang matangkad na Fil-Am na sina Troy Rike na dating naglaro para sa President’s Cup na kampeong Pasig Grindhouse Kings at Roosevelt Adams na naglaro para sa Pasay Voyagers pero hindi lang sila ang nakahandang alas ng koponan.
Kinuha rin ng Basilan ang isa pang Fil-Am guard na si Franky Johnson buhat sa Warner Pacific University at kagagaling lang sa paglaro sa 2019 PBA D-League kung saan nag-average siya ng 22.9 puntos sa walong laro para sa AMA Online Education. Para sa kanilang import, parating na ang Amerikanong 6’5" na si Marcus Hammonds ng Texas A&M University-Corpus Christi at beterano ng mga liga sa Mongolia at Thailand.





Comments