Reklamo tungkol sa taxi operator na hindi naghuhulog sa SSS
- BULGAR

- Jun 9, 2019
- 2 min read
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay taxi driver at naninilbihan sa aking operator sa loob ng halos anim na taon. Nais ko sanang ireklamo ang aking operator sapagkat hindi niya hinuhulugan ang aking SSS kahit kinakaltasan ako nito. Maraming salamat!—Mang Tinio
Sagot
Bilang tugon sa iyong hinaing, hindi mo nabanggit ang kumpletong pangalan ng taxi operator mo o ang pangalan ng kumpanya kaya hindi namin maberipika ng maaayos ang rekord ng paghuhulog nito at maipagbigay-alam sa nakasasakop na sangay ng SSS upang maimbestigahan.
Iminumungkahi namin sa’yo na maghain ng non-remittance complaint laban sa iyong operator sa pinakamalapit na SSS branch para maimbestigahan ito. Magdala ka ng payslip bilang katunayan na kinakaltasan ka ng hulog sa SSS. Gayundin, magdala ka ng company ID o anumang patunay na ikaw ay empleyado ng nasabing taxi operator.
Huwag kang matakot na maghain ng reklamo laban sa’yong operator sapagkat mayroong rule on anonymity ang SSS kung saan hindi ibubunyag ang pangalan ng nagrereklamong miyembro. Dagdag pa rito, maaaring maging dahilan ang hindi pagre-remit ng operator mo upang hindi ka makinabang sa mga benepisyo ng SSS.
Kung makitaan ng paglabag ang iyong operator sa mga responsibilidad nito sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, mahaharap siya sa kasong paglabag sa SSS Law at pagbabayarin ng kanyang obligasyon sa SSS.
Nananawagan kami sa mga delingkuwenteng employer na samantalahin ang iniaalok ng SSS na Contributions Penalty Condonation Program. Inilunsad ng SSS ang programang ito upang matulungan ang mga employer na mabayaran ang kanilang mga obligasyon sa SSS at maiwasan na sila ay makasuhan. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ng SSS ang ipinataw na multa sa mga hindi nahulugang kontribusyon ng kanyang mga empleyado.
Sa mga interesadong employer, maaari na silang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na sangay ng SSS at magsumite ng aplikasyon at proposal na nagpapakita ng kanilang intensiyon na mag-apply sa programa.
Nais nating ipaalala na tatanggap lamang ng aplikasyon para sa programang ito hanggang Setyembre 6, 2019.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais natin ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan din natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments