'Pinas, safe na sa African Swine Fever-DA
- V. Reyes
- Jun 9, 2019
- 1 min read

SINIGURO ni Agriculture Secretary Manny Piñol na walang nakalusot na anumang karne ng baboy na mayroong African Swine Fever at ligtas ang bansa sa nasabing virus.
Ayon sa kalihim, naging mahigpit ang pagpasok ng mga produktong baboy sa Pilipinas mula nang pumutok ang problema.
Gayunman, sinabi ng kalihim na kailangan pa ring tutukan ang posibleng pagpasok ng virus sa pamamagitan ng pag-aangkat ng baboy at processed pork products.
Nauna nang ipinagbawal ang pag-aangkat ng baboy mula sa Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova, Belgium, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine. Hihilingin naman ni Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng pondo para sa pagbili ng mga x-ray machine na gagamitin sa pagsuri ng meat products mula sa ibang bansa.
Hinimok naman ng kalihim ang mga local hog raiser na samantalahin ang pagkakataon para makabenta ng mas maraming produkto.





Comments