Mediaman niratrat ng riding-in-tandem, todas

UTAS ang isang mamamahayag at freelance account executive makaraang puntiryahin ng riding-in-tandem sa mismong harap ng kanyang bahay sa Quezon City.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Adam Casil Moraleta, 56, residente ng Bgy. Holy Spirit.
Si Moraleta ay dating empleyado ng Remate at bago ito pinatay ay sinasabing freelance account executive ng Daily Tribune at Saksi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Police Master Sgt. Roldan V. Cornejo, alas-8:15 ng umaga ng Hunyo 6 nang pagbabarilin ang biktima. Mga tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Moraleta.
Narekober sa lugar ng krimen ang tatlong basyo ng bala at dalawang live ammunitions ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril.
Walang identification card ang biktima nang mangyari ang krimen kaya hindi agad nakilala ng mga awtoridad.
Nalaman na lang ang pagkakakilanlan nito nang dumulog sa pulisya ang anak ni Moraleta at positibong kinilala ang ama.
Samantala, tiniyak ni QCPD Director Police Brigadier Gen. Joselito Esquivel, Jr., na lahat ng anggulo ay kanilang sisilipin para mabatid ang motibo ng krimen at mabigyan ng katarungan ang pagpatay sa biktima.





Comments