Karapatan at obligasyon ng Sangguniang Barangay
- BULGAR

- Jun 9, 2019
- 3 min read
ANG Sangguniang Barangay bilang local legislative body ng barangay ay may karapatan at obligasyon tulad ng mga sumusunod:
1. Magsagawa ng ordinansa (ordinance) na kinakailangan upang maisagawa ang responsibilidad na iniatas ng batas o ordinansa at upang isulong ang kapakanan ng mamamayan sa loob ng barangay;
2. Magsagawa ng mga ordinansa tungkol sa pagbubuwis sang-ayon sa limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng Local Government Code;
3. Magsagawa ng taunan at supplemental badget sang-ayon sa probisyon ng Local Government Code;
4. Maglaan para sa pagpapagawa at pagpapanatili ng mga pasilidad ng barangay at iba pang pampublikong proyekto na kukunin mula sa general funds ng barangay;
5. Magsumite sa Sangguniang Panlungsod o Sangguniang Bayan ng suhestiyon o rekomendasyon para sa ikabubuti at ikauunlad ng barangay na kanilang nasasakupan at para sa kapakanan ng mga taong nasasakupan nila;
6. Tumulong at gumabay sa pagtatag ng mga establisimyento, organisasyon at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa barangay na maaaring magpaganda sa kondisyong pang-ekonomiya ng mamamayan sa barangay;
7. Bigyan ng regulasyon ang paggamit ng multi-purpose halls, pavements, grain/copra dryers at ng iba pang post-harvest facilities, barangay waterworks, barangay markets, parking areas at ng iba pang pasilidad na naisagawa gamit ang kaban sa loob ng hurisdiksiyon ng barangay at magpabayad ng halaga para sa pagpapagamit ng mga ito;
8. Maglikom o tumanggap ng pera, materyales o boluntaryong trabaho para sa gawaing pampubliko o kooperatiba mula sa mga residente, nagmamay-ari ng lupa, producer at mangangalakal ng nasabing barangay; pera mula sa grants-in-aid subsidies, kontribusyon o mula sa national, provincial, city o municipal funds at iba pang pera mula sa mga pribadong ahensiya at indibidwal. Kinakailangan lamang na ang mga pera o ari-arian na ipinamahagi o donasyon ng mga pribadong ahensiya at indibidwal para sa mga espisipikong layunin ay ilalagay sa trust fund ng barangay;
9. Magbigay ng kompensasyon at rasonableng allowance o per diems at gastusin para sa pagbiyahe ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at iba pang opisyales ng barangay sang-ayon sa limitasyon ng budget na itinalaga sa Title V, Book II ng Local Government Code of 1991. Subalit, walang pagtaas ng allowance o kompensasyon o honoraria para sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang magiging epektibo hanggang sa matapos ang buong termino nila na nag-apruba ng nasabing pagtaas;
10. Magsagawa ng mga remedyo upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga squatter at mahihirap sa barangay;
11. May karapatan ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay na tumanggap ng honoraria, allowance at iba pang emoluments na pinapayagan ng batas o ordinansa ng barangay batay sa probisyon ng Local Government Code. Ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi bababa sa P600 para sa bawat miyembro ng Sangguniang Barangay;
12. Ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay ay may karapatan din na makatanggap ng Christmas bonus na humigit-kumulang sa P1,000;
13. Bukod sa kompensasyon o allowance, may karapatan din ang bawat miyembro ng Sangguniang Barangay na magkaroon ng libreng medical care kabilang ang gamot at pagpapagamot sa mga pampublikong ospital. Sakop ng nasabing hospital care ang operasyon at gastusin sa pagpapaopera, gamot, x-rays, laboratory fees at iba pang gastusing pang-ospital. Sa mga pagkakataon ng matinding pangangailangan sa madaliang pagkilos at walang pampublikong ospital o institusyon, ang barangay official ay maaaring magpunta sa pinakamalapit na pribadong klinika, ospital o institusyon at ang mga gugugulin sa nasabing klinika o ospital na hindi hihigit sa P5,000 ay maaaring kunin sa pondo ng barangay kung saan ang nasabing barangay official ay naglilingkod.
Karapatang makatanggap ng libreng matrikula para sa kanilang mga lehitimong anak na nag-aaral sa state universities o colleges na nasa probinsiya o siyudad kung nasaan ang barangay, sa panahon ng panunungkulan ng mga nabanggit na mga opisyal ng barangay.




Comments