Kahalagahan ng edukasyon at pagkakaroon ng mahuhusay na guro
- BULGAR

- Jun 9, 2019
- 2 min read
NAGSIMULA na ang pasukan sa mga paaralan noong Lunes. Dumagsa ang mga bago at dating mag-aaral sa iba’t ibang antas. Tungkulin ng pamahalaan na bigyan ng batayang edukasyon ang kabataan at ang susi sa serbisyong ito ay ang mga guro.
Ayon sa ulat, mahigit 20 milyong mag-aaral ang pumasok sa tinatayang 47,025 pampublikong paaralan. Malinaw na hindi sapat ang bilang ng paaralan para sa bilang ng mga estudyante kaya napipilitang magsiksikan sa silid-aralan ang labis na bilang ng mga mag-aaral. Sa katunayan, hindi lang kakulangan sa mga silid-aralan ang problema kundi maging ang kakulangan ng mga guro.
Tila hindi nalalayo ang sitwasyon ng edukasyon sa sitwasyon ng imprastruktura sa bansa. Ayon sa mga eksperto noon, tila naiwan tayo ng 40 taon ng maraming bansa sa iba’t ibang parte ng Asya.
Sa ganitong sitwasyon, ang maaasahang sandata ay ang mga guro. Anuman ang lugar o saanmang pasilidad, basta may guro na handang magturo, siguradong tuloy ang klase, may matututunan at may maiuuwing bagong kaalaman ang mga estudyante.
Noong 2012, nang idestino tayo ng mga Pransiskano sa Palanan, Isabela, nakita natin at naranasan ang hirap ng mga guro. Kailangang bangkain ang lugar at pagdating, kailangang magsuot ng bota dahil maputik ang daraanan. Tinanong natin ang kasama nating guro sa bangka kung ano ang kanyang naiisip tungkol sa sitwasyon. Napangiti lang ito at nagsabing, “Wala akong magagawa kundi gawin ang aking tungkulin. Magtuturo ako anuman ang kalagayan ng paaralan, ang dami ng mga bata at anuman ang laki o liit ng aking sahod.”
May punto ang sagot ng guro, walang magagawa ang pagrereklamo sa gitna ng matinding pangangailangan ng mga bata sa edukasyon. Pitong taon na ang nakararaan at matagal na tayong hindi nakapupunta sa mga bayan ng Maconacon at Divilacan sa Palanan, Isabela. Tiyak na alam ni DepEd Secretary Leonor Briones ang kalagayan ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Alam niya ang kailangan at ang dapat gawin ngunit, ano ang prayoridad nito? Gaano ba kahalaga ang edukasyon para sa kanila?
Simpleng guro ang aking ina. Noong ako ay musmos pa lang, isinasama niya ako sa Lakandula Elementary School sa Maynila. Naalala natin ang kanyang mga pangaral, “Mag-aral kang mabuti. Ang edukasyon ang kayamanang kahit kailan ay hindi mananakaw sa’yo ng sinuman.” “Huwag kang mananamantala kaninuman, maging matulungin at malugod ka sa lahat, saan ka man naroroon. Huwag kang mag-aksaya o magtira kahit isang mumo sa iyong plato dahil maraming walang makain. Huwag kang mag-aaksaya ng anumang bigay sa’yo ng Diyos.”
Maraming tinuruan ang aking ina ngunit, ang kanyang mga unang estudyante ay kaming mga anak niya. Maraming ina na kahit hindi guro ang propesyon, guro sila sa kanilang mga anak. Hindi maganda ang nangyayari sa ating bansa ngayon sapagkat dumarami ang mahihirap. Tila gumagaspang ang pag-uugali at pumapangit ang kanilang pananalita sa kapwa, bakit kaya? Paano mag-isip at magpasya ang mamamayan? Hindi ba, edukasyon ang susi sa matalas at malayang kaisipan? Hindi lang bilang ang dapat ikonsidera kundi maging ang mahusay at mapagpalayang guro ang kailangan.




Comments