Financial adviser, timbog sa pagbebenta ng nakaw na CP

SA kulungan ang bagsak ng financial adviser ng isang insurance company matapos madakip sa entrapment operation sa Mandaluyong City habang nagbebenta ng umano’y nakaw na cellphone.
Kinilala ng Mandaluyong City Police ang suspek na si Ferdinand Villano, 36, financial adviser ng isang insurance company na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law.
Alas-4:30 ng hapon nang maaresto ang suspek sa loob ng kilalang mall sa Barangay Buayang Bato, batay na rin sa reklamo ni Mark Gregor Pagador, 34, na isa namang facilities associate.
Nauna rito, Hunyo 5 nang mabiktima umano ng mandurukot ang biktima habang nasa loob ng Metro Rail Transit Line 3 sa Shaw Boulevard Station. Nagulat na lang umano ang biktima nang makitang ipinagbibili ng suspek ang kanyang nadukot na cellphone sa Facebook account nito, kaya agad nagtungo sa tanggapan ng Mandaluyong City Police para magreklamo.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad at kinontak ang suspek at nakipagtransaksiyon.
Nagkasundo ang biktima at suspek na magkikita sa isang fastfood chain sa loob ng naturang mall at nang makumpirma na ang cellphone nga ng biktima ang ibinibenta ng suspek, agad itong dinampot ng mga awtoridad para sa kaukulang pagsasampa ng kaso at pagdetine rito.





Comments