Mga pagkaing sagana sa fiber
- BULGAR

- Jun 8, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Madalas akong nakararanas ng constipation. May nakapagsabi sa akin na kaya raw hirap ako sa pagdumi ay dahil hindi ako mahilig kumain ng gulay at karne ang madalas kong inuulam. Minsan, nagta-try akong uminom ng dulcolax para makadumi, pero ayoko namang masanay ako sa pag-inom nito. Ano ang dapat kong gawin? — Helena
Sagot Makabubuti kung palitan mo ang iyong diet, samahan mo ito ng fiber. Ang fiber ay matatagpuan sa nuts, beans, peas, seeds, wholegrains tulad ng brown rice, corn, oats at barley at iba’t ibang prutas at gulay. Tinatawag minsan na roughage ang fiber kasi ito ay hindi natutunaw sa loob ng bituka kaya kung kumakain ng maraming fiber ay mas malambot ang dumi.
Nakabubuti ang high fiber diet upang maging malusog ang ating colon. Nakabababa rin ng kolesterol at asukal sa dugo ang fiber. Para sa mga may diabetes, hindi kaagad naa-absorb ang asukal sa bituka kung may kasamang fiber.
Ang mga pagkaing ma-fiber ay mas mabigat sa tiyan, pero mas kaunti ang calories na laman kaya makatutulong din ito sa pagpapapayat. Hindi agad magugutom kung kumakain nito.
Paano magdagdag ng fiber sa diet? 1. Kumain ng oatmeal o yoghurt sa almusal. Puwedeng budburan ito ng dried fruits tulad ng raisins (pasas) at nuts, flax seed o wheat germ.
2. Dagdagan ng peas o beans ang salad o sopas.
3. Piliin ang wholegrain kung kakain ng tinapay o crackers. Kumain ng brown rice o wild rice imbes na white rice.
4. Kumain ng prutas at gulay. Sa mga may diabetes, hanggang three servings ng prutas sa bawat araw.
5. Kumain ng nuts o low-fat popcorn sa meryenda. Ingat lang dahil ang nuts ay mataas sa calories so, dapat isang maliit na bundok lang sa palad ang sukat. Ang popcorn ay dapat walang butter o caramel.
Dahan-dahan nating baguhin ang ating pagkain. Kung sobrang taas-bigla ang kakaining fiber ay puwedeng sumakit ang tiyan o maging mahangin ang bituka. Uminom din ng maraming tubig dahil ina-absorb ito ng fiber at makatutulong sa pagdumi.




Comments