Alang-alang sa batas, substitution ni Cardema, ibasura!

HUWAG BALUKTUTIN ANG BATAS PARA MASUNOD ANG KA- PRITSO NI CARDEMA — Maraming nais labaging batas si ex-National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema sa kagustuhan niyang maging congressman ng Duterte Youth Partylist at kabilang dito ang isyu ng edad kung saan nakasaad sa batas na ang edad ng kinatawan ng kabataan ay hindi bababa sa 25 at hindi hihigit sa 30, si Cardema ay 33 years old na.
Isa pa, ang pag-file niya ng substitution sa kanyang misis na 1st nominee ng kanilang partylist na dapat ginawa niya ito noong last filing ng substitution noong November 29, 2018.
Kaya ang panawagan ng publiko sa Commssion on Elections (Comelec), ibasura ang substitution ni Cardema at huwag nilang baluktutin ang batas para lang masunod ang kapritso nito (Cardema) na matawag na congressman, period!
◘◘◘
P5-M MARAWI REHAB FUND, PERA NG TAUMBAYAN AT HINDI PERA NI P-DUTERTE — Umapela si P-Duterte na hayaan na lang ng Commission on Audit (COA) ang nagamit na P5 million sa Marawi rehab fund para sa ilang Muslim na dumalo sa pilgrimage sa Mecca.
Ganu’n? Aba, hindi puwede ‘yan kasi pera ‘yan ng taumbayan at hindi pera ni P-Duterte kaya dapat may managot sa anomalyang naganap sa Marawi rehab fund, boom!
◘◘◘
KAPAG NAGPATULOY ANG INFLATION, MARAMI ANG MAGUGUTOM — Tumaas na naman ng 3.2% ang inflation rate sa bansa.
Naku, bad news ‘yan kasi kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang marami ang walang trabaho, tiyak maraming Pinoy ang magugutom, hu-hu-hu!
◘◘◘
ISIDRO LAPEÑA, MAGWI-WHISTLEBLOWER NA KAYA? — Inihayag ni TESDA Director at ex-BOC Commissioner Isidro Lapeña na may basehan daw ang ibinulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa mga katiwalian at shabu smuggling sa Bureau of Customs.
Sa tema ng salita ni Lapeña, parang gusto na nitong mag-whistleblower.
Sakaling mag-whistleblower, sinu-sino kaya ang ibubulgar ni Lapeña na sangkot sa katiwalian at shabu smuggling sa BOC? Abangan!





Comments