Kaya na-zero noong halalan | Mga nagawa ng Duterte administration, mas bumenta kaysa sa banat ng mga
- BULGAR

- Jun 7, 2019
- 3 min read
SUMASAKIT ang ulo ng dilawan at kanilang mga tagapagsalita sa pagpapaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay napakalakas pa rin ng suporta ng taumbayan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil hindi matanggap ng mga miyembro ng dilawan na “itlog” sila sa huling eleksiyon ay kung anu-ano ang kanilang ipinaliliwanag kung bakit kahit isang kandidato nila (kabilang ang isang Aquino) ay hindi nakapasok sa Senado.
Matagumpay ang kampanya ng Duterte gov’t laban sa iligal na droga kahit binabanatan ng media (dilawan at kontrolado ng mga elitista) tulad ng mga Prieto at Lopez dahil kung tipikal na mamamayan ang tatanungin natin, marami sa kanila ang pabor sa ‘war on drugs’.
Dahil dito, nawala ang mga tambay na adik sa kanto, nabawasan ang mga gumagawa ng krimen tulad ng holdapan, snatching, akyat-bahay at iba pa.
Ang mga sabog dahil sa kagagamit ng shabu o anumang iligal na droga ang gumagawa ng mga karumal-dumal na heinous crime, nawala ang mga ito, salamat sa ‘Oplan Tokhang’ ng kasalukuyang gobyerno.
Walang pakialam ang mga elitista tungkol sa problema ng iligal na droga, nagbulag-bulagan sila nang lumaki ang problema noong panahon ni ex-P-Noy. Pati Justice secretary nito na si Sen. Leila de Lima ay sinasabing protektor daw ng mga drug lord.
Naiintindihan ng mga mahihirap ang problema sa iligal na droga dahil nakikita nila ito sa kanilang paligid at sila ang mga unang biktima nito. Gayundin, nariyan ang mga drayber ng bus (provincial o city bus), marami sa mga ito ang nahuli at aminadong gumagamit ng shabu kaya nasasangkot sa mga aksidente.
Gising na gising daw sila kapag gumagamit ng shabu kaya nakararami ng biyahe, pero sa kabila nito, inilalagay nila sa kapahamakan ang buhay ng kanilang mga pasahero at ang kanilang sarili mismo.
Umpisa pa lang ng ‘Oplan Tokhang’, marami nang sumuko sa kapulisan para dumaan sa rehabilitasyon. Ang mga ayaw magbagong-buhay ay lumalaban sa kapulisan at nag-“overacting” naman ang dilawan dito.
Pero, ang mga Pinoy ay pumabor sa programang ito. Ayon sa datos, bumaba ng 57 porsiyento ang bilang ng krimen sa buong bansa.
Isa pang simpleng dahilan kaya hanggang ngayon ay todo-suporta ang mga tao sa pangulo dahil ang kanyang aksiyon ay nagpapakita ng magandang katangian ng mahusay na lider ng bansa.
Ang kanyang mga aksiyon ay simple lang kung iisipin ngunit, mabigat ang simbolo ng mga ito sapagkat ang tama nito ay sa puso ng mga Pilipino.
Ang magandang halimbawa ay ang kautusan ng pangulo na linisin ang Boracay Island, maraming dilawan na taga-Western Visayas (may-ari ng mga resort) ang umalma sa utos na ipasara ang isla ng anim na buwan.
Anong resulta? Napakalinis ng Boracay Island ngayon, nawala ang amoy-imburnal sa beach, ipinasara ang mga iligal na resort at imprastruktura at kinasuhan ang lahat ng lumalabag sa batas.
Isa pang magandang aksiyon ng pangulo na naging simbolo ng kanyang malakas na “political will” ay ang utos niya na linisin ang Manila Bay na kalauna’y maganda rin ang resulta.
Marami pang ibang ginagawa ang pangulo na akala mo ay simple lang, pero malakas ang dating sa ideya natin bilang mga Pilipino.
Ang utos niyang ipabalik ang basura sa Canada kahit tayo ang nagbayad ng gastos sa barko. “Hindi basurahan ang Pilipinas,” ‘ika ng pangulo. Lumakas ang pride ng mga Pilipino sa aksiyong ito.
Ang pagyuko o pag-bow niya sa harap ng mga tao tuwing magtatalumpati siya, isa itong magandang ugali na karaniwang ginagawa ng ibang lahi. Ang pagyuko sa harap ng mga tao na tila nangangahulugang “ako ay nagsisilbi para sa inyo.”
Kung iisipin, isa pa sa magandang aksiyon ng pangulo ay ang pagbisita niya sa mga ospital para alamin ang kondisyon ng mga nasugatang sundalo at pulis pati na rin sa mga lamay ng mga namatay na miyembro ng AFP at PNP hindi tulad ni ex-P-Noy na ayaw dumalaw sa mga lamay ng mga sundalo at pulis dahil hindi naman daw niya kilala ang mga ito.





Comments