DepEd sa mga gurong humihirit ng dagdag-sahod: HUWAG PURO PERA

PINAALALAHANAN ni Education Secretary Leonor Briones ang mga guro sa mga pampublikong eskuwelahan na ang pagtuturo ay isang propesyon na hindi lang tungkol sa pera.
Ginawa ni Briones ang paalala kasunod ng mga panawagan para sa dagdag-suweldo ng mga guro sa pagbubukas ng klase.
Si Briones, kasama ang ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) ay nag-ikot sa iba’t ibang eskuwelahan tulad ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Taguig City at Comembo Elementary School (CoES) sa Makati City.
“Right now, you are ashamed because of your salaries… But, you have to be proud that you are teachers,” pahayag ni Briones sa mga guro ng SVNHS.
Aniya, ang mga gurong Pinoy ay minamahal hindi lang sa bansa kundi maging sa ibayong-dagat.
Nanindigan din si Briones sa posisyon na dapat pag-aaralan mabuti ng pamahalaan ang salary increase sa mga guro dahil P150 billion ang kakailanganing pondo rito para sa P10,000 wage hike at hindi pa kasama rito ang performance bonus.
Tiniyak naman ni Briones na patuloy ang kanilang inisyatiba para mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga guro.
Gayunman, dapat ay manatili aniya ang kanilang commitment sa public service dahil sila ay mga guro.





Comments