‘PINAS, MAY IBUBUGA SA 3X3 AT RUGBY SERIES
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jun 7, 2019
- 1 min read

DALAWA sa pangunahing armas ng Pilipinas para makapagparamdam sa mga pandaigdigang entablado pagdating sa team sports ay ang tatluhang basketball at ang rugby kung titingnan ang world rankings sa mga larangang ito na ipinalabas ngayong kasalukuyang buwan.
Kumakatok sa elite roster ang Pilipinas pagdating sa Men’s Under 18 dahil sa naipong 1,659,940 puntos. Ang bansa ay nakaupo sa pang-13 baytang sa buong mundo.
Isang kaganapang hindi pamilyar sa cage afficionados ng Pilipinas ay ang katotohanang angat ang Southeast Asian rival na Indonesia sa atin sapagkat nasa pang-11th place ito ngayon.
Sa Women’s U18 na grupo, hawak ng bansa ang pang-28 posisyon, samantalang no. 24 at no. 22 ang Pilipinas sa Men’s U23 at Women’s U23 ayon sa pagkakasunud-sunod.
Nasa unang 31 ang Gilas sa pangkat ng men’s regular basketball at ang junior dribblers ay nakasabit sa no. 30. Ang mga kababaihan ay nakaupo sa pang-47 samantalang ang mga dalagitang cagebelles ay nasa labas ng unang limampung bansa (56th).
Ang Philippine Volcanoes, kamakailan, ay lumaktaw ng 11-baytang papunta sa pang-42nd place sa world rankings matapos padapain ang Sri Lanka (finals) at Singapore (semifinals) sa pagpapanatili ng Asian Rugby Division 1 plum na nasaksihan sa Taiwan. Ang pagtiklop ng Tuskers sa Volcanoes ay naging dahilan ng pagsadsad ng Sri Lanka mula 43rd papuntang 45th.





Comments