UAAP AT NCAA PLAYERS, ‘PINAS BABANAT SA U-22 MERLION CUP
- A. Servinio
- Jun 6, 2019
- 1 min read

SASABAK ang Pilipinas Under-22 sa 2019 Merlion Cup simula ngayong Biyernes sa Jalan Besar Stadium sa Singapore simula 7:30 p.m. Ang nasabing koponan ay naghahanda para sa darating na 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre at magandang pagkakataon ito para masukat ang kanilang mga makakalaro.
Una para sa mga Pinoy ang Singapore Under-22. Kung papalarin, lalabanan nila ang magwawagi sa kabilang laro sa pagitan ng Thailand Under-22 at Indonesia Under-22 para sa kampeonato sa Linggo.
Binubuo ang Pilipinas ng mga bituin ng UAAP ‘81 kampeon Ateneo de Manila University at NCAA 94 kampeon San Beda University. Nandiyan sina forward Jarvey Gayoso, goalkeeper Alexander Arcilla at defender William Grierson ng Blue Eagles at sina goalkeeper Michael Asong, mga defender Lorenzo Sabado, Jerome Marzan at midfielder Mariano Suba ng Red Lions.
Ang iba pang kasama sa listahan ay sina Shanden Vergara ng De La Salle University, Jose Miguel Clarino, Christian Lapas, Roland Daniel Saavedra, Ray Vincent Sanciangco, Jeremiah Borlongan, Kyle Magdato at Kintaro Miyagi ng University of the Philippines, Pete Andrei Forrosuelo, Viejay Frigillano, Renz Saldivar ng Far Eastern University at Joshua Broce ng National University.
May dalawang propesyonal buhat sa Philippines Football League (PFL) na sina Dean Ebarle ng Mendiola 1991 at Dylan de Brucker ng Ceres Negros habang si Dimitri Lionel Limbo ang nag-iisang naglalaro sa ibayong dagat para sa Sunderland RCA sa Inglatera.
Unang naglaro ang koponan sa ASEAN Football Federation Under-22 Championship sa Cambodia noong Pebrero at AFC Under-23 Championship qualifying round noong Marso. Subalit nabigo ang mga Pinoy sa dalawang torneo.
Comments