top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

UNTITLED PLAYER PASON, NAKA-TRONO SA NAGA OPEN

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 5, 2019
1 min read

PINABAGSAK ng untitled woodpusher na si Allan Pason si International Master Kim Steven Yap bago niya hinugutan ng kalahating puntos si National Master Edsel Montoya upang matagumpay itong makaakyat sa trono ng 2019 City of Naga FIDE-Rated Open Chess sa pangatlong palapag ng Naga City Hall.

Kumulekta si Pason (rating: 1968) ng kabuuang pito at kalahating puntos pagkatapos ng siyam na yugto ng bakbakan upang mapabilang sa limang-kataong pulutong na tumapos sa unahan ng kompetisyon. Kasama sa mga 7.5 pointers sina Yap, Montoya, Jayson Salubre at Diego Abraham Caparino. Pero sa huli, napunta kay Pason ang korona dahil sa mas mataas na puntos sa tiebreak at sa performance rating na 2363 sa paligsahang umakit ng may kabuuang 127 apisyunado ng ahedres.

Napabilang din sa mga nakatikim ng lupit ng kampeon sina Alleya Salinas (round 1), Jervy Villarin (round 2), Arje Villarin (round 3), Dione Patrick Minoza (round 4) at Johnny Wellen Carzano (round 5) samantalang nakipaghatian ng puntos si Pason kina Caparino at Salubre.

Samantala, tinangay ng 14-anyos na si Criswen Falamig ang korona ng 36th Goldenmind Chess Tournament Kiddies sa Makati bitbit ang halos walang mantsang kartada na anim na panalo at isang draw pagkatapos ng pitong rounds ng sagupaan.

Pumangalawa sa kompetisyon si Gladimir Chester Romero, 11-anyos, sa rekord nitong anim na puntos na naipon mula sa limang panalo at dalawang draws.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page