Tuloy ang laban sa ‘yosi kadiri’!


Dagdag-polusyon, second hand smoking at mga sakit sa baga, ito ang kadalasang epekto ng paninigarilyo.
Dahil dito, maraming health advocates at mga tutol sa paninigarilyo ang humihirit ng mas mataas na excise tax kada pakete ng sigarilyo upang mabawasan ang mga gumagamit nito, gayundin ang bilang ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo.
Kaugnay nito, inapbrubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang-batas tungkol sa dagdag-buwis sa sigarilyo.
Sa botong 20-0, lusot na ang Senate Bill 2233 na layong itaas sa P45 hanggang P60 kada pakete ang excise tax mula sa susunod na taon hanggang 2023 habang 5% ang dagdag-buwis na epektibo mula Enero 1, 2024.
Ang nakatakdang pagtaas sa excise tax ay ang mga sumusunod: P45 kada pakete na epektibo Enero 1, 2020 hanggang Disyembre 31, 2020; P50 kada pakete sa Enero 2021; P55 per pack sa Enero 2022 at P60 per pack na epektibo sa Enero 1, 2023.
Ayon sa Department of Finance (DOF), ang bill ay makatutulong upang mapunan ang P40 billion na kulang na pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Nananatiling mataas sa 23% ang smoking prevalence sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Bad news ito para sa mga kababayan nating naninigarilyo pero, kung may mabuti itong layunin para sa mas nakararami, dapat na itong ipatupad.





Comments