Sandamakmak na serbisyo-publiko, hatid ng PCUP sa masa!


MARAMING nagtatanong kung saan at kailan ang susunod na serbisyo caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) gayundin, kung maaari raw sumali kung sakaling mayroong malapit sa kanilang lugar.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Ako si Flordeliza, 26 years old. Okay lang ba na pumunta sa caravan ninyo sa Parañaque kahit hindi tagaroon? Nahihirapan na ako sa aking trabaho at naghahanap ako ng bagong trabaho na mas malaki ang suweldo. Balak ko sanang mag-change career. Maraming salamat!
Sagot
Magandang araw, Ms. Flordeliza. Sa alinmang serbisyo caravan, palaging open for public ito o bukas para sa mga gustong pumunta at makatanggap ng serbisyo.
Kada caravan, nariyan ang ating medical at dental mission, libreng gamot, job fair (local at abroad), libreng gupit at masahe, scholarship at enrollment sa tech-voc programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pampuhunan at livelihood opportunities ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE), libreng legal assistance ng Public Attorneys’ Office (PAO) at pagbababa ng serbisyo ng Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), PhilHealth at Land Transportation Office (LTO). Ang mga serbisyo rin ay depende sa kayang ihandog sa atin ng ating mga partner agency sa lugar.
Sa inyong kaso, dahil gusto mo na magpalit ng career at umalis sa iyong trabaho, maaari ka nang magtungo sa ating caravan sa Parañaque ngayong Hunyo 7 o sa Bacoor ngayong Hunyo 14 kahit hindi ka tagaroon.
Dalhin mo lamang ang mga sumusunod na job requirements: (1) updated resume o curriculum vitae na mayroong picture (2) certificate of employment sa previous na trabaho, optional lamang ito, (3) mga importanteng training certificate na nakalinya sa trabahong aaplayan mo at magsuot lamang ng maayos na damit.
Sa gaganaping caravan sa Parañaque, kasama natin ang Findwork PH, job matching application sa ating smartphone at magsasama sila ng mga private company na naghahanap ng mga aplikante. Ang kadalasang trabaho na inihahain natin ay blue at white collared jobs.
Kasama rin natin ang Grab PH sa mga gustong magpa-accredit bilang Grab Food at Grab Express Drivers. Kumuha lamang ng form nito sa ating opisina sa PCUP para sa mga interesado.
Para mapadali ang ating pag-access sa mga serbisyo ng PCUP, maaari tayong pumunta sa ating website sa www.pcup.gov.ph, bumisita sa ating Official Facebook Page na fb.com/pcupPH o magtungo sa ating ahensiya sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Prioject 7, Quezon City.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments